MANILA, Philippines – Kasong may kaugnayan sa panggagahasa ang isasampang kaso laban sa isang 18-anyos na lalaki na umanoý nangmolestiya sa isang 13-taong-gulang na dalagita sa loob mismo ng bahay ng biktima sa Parañaque City Sabado ng hapon, Agosto 29.
Sa report na isinumite ng Parañaque City police kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco ay kinilala ang suspek na si alyas Eric James, residente ng Pasay City.
Base sa imbestigasyon ng Parañaque City police, dakong alas-3:30 Sabado ng hapon ay nagtungo umano ang suspek sa bahay ng biktima sa Barangay Sto. Niño at niyaya ang dalagita na pumasok sa comfort room, kung saan umano niya ito sekswal na inabuso.
Nang makauwi ang ama ng biktima, nakita nito ang suspek sa loob ng comfort room kung saan isiniwalat ng dalagita sa kanyang ama ang sinapit na pang-aabuso.
Agad humingi ng tulong ang ama sa mga barangay tanod ng Santo Niño, na mabilis namang nakipagtulungan sa Sub-Station 3 na nagresulta ng pagkakaaresto ng suspek.
Kasalukuyang nasa Women and Children Protection Desk (WCPD) ang suspek para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang disposisyon habang inihahanda ang pormal na pagsasampa ng kaso laban sa kanya kaugnay sa paglabag sa Republic Act 11648, kaugnay ng statutory rape, at Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act. James I. Catapusan