Home NATIONWIDE Higit 300 na-stroke sa nakaraang holiday season – DOH

Higit 300 na-stroke sa nakaraang holiday season – DOH

MANILA, Philippines- Tumaas sa mahigit 300 ang bilang ng mga indibidwal na nakakaranas ng stroke sa gitna ng holiday season, sinabi ng Department of Health (DOH).

Base sa datos mula sa walong sentinel sites na binabantayan ng DOH, umakyat ang kaso ng stroke mula 12 noong Disyembre 23, 2024 sa 146 noong Enero 2, 2025.

Sa 146 mga kaso, dalawang pasyente ang nasawi.

Samantala, mayroong 140 stroke patients ang naitala sa Philippine General Hospital (PGH), at 41 iba pa sa Tondo Medical Center.

Sa mga kaso ng acute coronary syndrome (ACS), sinabi ng DOH na batay sa sentinel sites, tumaas mula sa dalawa noong Disyembre 22 sa 74 noong Enero 2.

Isang pasyente ang iniulat na nasawi dahil sa ACS, isang kondisyon na nauugnay sa mga biglaang pagbabago sa daloy ng dugo sa puso.

Ang mga kaso ng bronchial asthma base sa sentinel sites ng DOH ay umakyat din mula anim noong Disyembre 22 sa 80 noong Enero 2.

Karamihan sa mga kaso ay mga batang may edad na 0 hanggang 9.

Naitala rin sa PGH ang 46 kaso ng bronchial asthma habang 11 ay mula sa Tondo Medical Center.

Nauna nang sinabi ng DOH na inalerto ang mga ospital sa pagbabantay sa mga sakit na nauugnay sa tinatawag na Holiday Heart Syndrome sa gitna ng pagdiriwang sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.

Ayon sa DOH, ang Holiday Heart Syndrome ay isang kondisyon na dulot ng sobrang pag-inom ng alak, stress, kakulangan ng pahinga at pagkain ng sobrang maalat at matatabang pagkain na nakakapagpataas ng blood pressure. Jocelyn Tabangcura-Domenden