Home OPINION ‘HINDI AKO LIGTAS’

‘HINDI AKO LIGTAS’

1
0

MABIGAT ang pahayag ni Vice President Sara Duterte: hindi raw siya ligtas at pakiramdam niya ay may gustong pumatay sa kanya. Hindi ito ordinaryong reklamo, lalo na’t siya ang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa.

Pero may ibang bersyon ang PNP.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., wala pa umanong naiuulat ang Bise Presidente sa pulisya tungkol sa naturang banta at wala rin silang nakumpirmang credible threat laban sa kanya o sa kanyang pamilya. Handa naman ang PNP na tanggapin ang anumang impormasyon upang masuri at maimbestigahan.

Dito nagiging kakaiba ang eksena. Sa publiko, may banta. Sa police blotter, wala.

Hindi magandang sitwasyon iyan para sa isang Vice President.

Kung may seryosong pagbabanta, hindi sapat na banggitin lamang ito sa mga pahayag o panayam. Kailangang makarating ang impormasyon sa mga taong may kakayahang magsiyasat. At kung may ebidensiya, mas mabuting ilatag ito kaysa hayaang manatiling usap-usapan.

Pero hindi rin dapat balewalain ng PNP ang sinabi ng Bise Presidente. Hindi maliit na bagay kapag isang mataas na opisyal ng gobyerno ang nagsasabing nangangamba siya para sa kanyang buhay at sa kanyang pamilya.

Kaya malinaw ang sinabi ni Nartatez: kung may threat, lumapit sa PNP.

Simple.

Hindi kailangan ng palitan ng matitinding salita. Hindi kailangan ng political theater. Threat assessment ang kailangan, imbestigasyon kung kinakailangan, at malinaw na resulta.

Sa panahong mataas ang tensyong pampulitika, lalong hindi dapat gawing pampublikong paligsahan ang usapin ng seguridad.

Kung may nagbabantang pumatay, hanapin. Kung walang mapatunayan, sabihin.

Pero habang wala pang malinaw na ebidensiya, huwag ding gawing katotohanan ang pangamba.

Dahil sa politika, madaling magbintang. Ang mahirap ay magpatunay.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here