Home OPINION HOLIDAY SEASONS SISIGURUHING LIGTAS NG NCRPO

HOLIDAY SEASONS SISIGURUHING LIGTAS NG NCRPO

SA ilalim ng pamunuan ni Acting Regional Director PBGen Anthony A. Aberin, sisiguruhin ng National Capital Region Police Office na ligtas ang buong nasasakupan nito sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.

Kaya naman ipinag-utos ng NCRPO Director ang pagpapakalat bg mahigit 8,000 pulis sa iba’t ibang vital installation sa Metro Manila.

Nagsimula ang pagtatalaga ng mga pulis sa matataong lugar ngayong pagpasok ng Disyembre at inaasahang madaragdagan pa sa pasimula ng Simbang Gabi sa Disyembre 16, 2024.

Mananatili ang mga pulis sa mahigpit na pagbabantay ng pamayanan sa Metro Manila hanggang makalipas ang Bagong Taon.

Hindi kinalimutan ni Aberin ang pagbibida na magagawa nila na mapanatiling ligtas ang Metro Manila sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, local government units, force multipliers at iba pang government agencies.

Malaki ang paniwala ng Metro Manila top cop na mapananatili ang kaayusan at katahimikan ngayong holiday season sa tulong na rin ng mamamayan.

Ang deployment ng mga pulis mula sa limang distrito ng NCRPO – Manila, Quezon City, Northern, Southern at Eastern Police Districts para sa Kapaskuhan ay magtatagal hanggang Enero 6, 2025.

Hindi kinalimutan ni Gen Aberin ang pagbibilin o pagpapaalala sa kanyang mga tauhan sa pagsunod sa kanyang ipinakilalang scheme na kilala bilang “AAA” na ang ibig sabihin ay Able, Active, at Allied.

Able, dahil ang mga pulis ay laging handa at may sapat nakakayahan upang rumesponde sa anomang insidente.

Active, dahil ang kanilang presensya sa bawat sulok ng komunidad ay mas ramdam dahil pinaigting upang siguruhing ligtas ang publiko.

Allied, dahil sila ay may malawak na suporta at pakikipagtulungan mula sa iba’t ibang sektor upang patuloy na isulong ang kaayusan at kapayapaan.

Maliban sa AAA program na inilunsad ni Gen Aberin nang maupo siya bilang NCRPO ARD, dala rin niya ang “back to basic” program na kung saan sinabi nito na kailangang araling mabuti ng mga pulis ang operational procedures upang sa simula pa lang ay hindi na sila maligaw sa pagtupad sa kanilang tungkulin.