ANG Pasko o Kapaskuhan ay bahagi ng taon na ipinagdiriwang, hindi lamang ng mga Pinoy kundi ginagunita rin ng bawat kristiyanong bansa sa buong mundo.
Ang Pasko, ika nga ay panahon ng kasiyahan at pagbibigayan nguni’t ito rin ang panahon kung kailan, ay maaring samantalahin ng lawless elements ang kahinaan ng mamamayan.
Para masigurong ligtas ang publiko sa anomang panganib – ngayon pa lang ay inalerto na ni Philippine National Police chief Gen. Rommel Marbil ang kanyang mga nasasakupan.
Iniutos niya sa mga opisyal at mga tauhan ng PNP sa buong bansa na mas paigtingin ang police operations upang matiyak ang kaligtasan ng publiko bukod pa sa maiwasan ang krimen sa panahon ng kapaskuhan hanggang sa pagpapalit ng taon.
Bukod sa panahon ng Pasko at Bagong Taon, pinaghahandaan din ng PNP ang pampulitikang seguridad dulot ng impeachment case kay Vice Pres. Sara Duterte.
Kasama sa komprehensibong plano ng PNP ang seguridad sa mga pampublikong lugar, mga operasyon laban sa cybercrime at kahandaan para sa mga di-inaasahang sitwasyon.
Inatasan din ang lahat ng PNP units na paigtingin ang patrols at dagdagan ang deployment ng mga tauhan sa mga matataong lugar tulad ng malls, palengke, at transport hubs.
Naghahanda rin ang PNP para sa mga aktibidad na may kaugnayan sa politika, kabilang ang prayer rallies na inihayag ng Iglesia Ni Cristo bilang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng impeachment case, gayundin ang posibleng mga kilos-protesta ng mga tagapagtaguyod ng kaso.
Sa pamamagitan ng maagap na mga hakbang at matibay na pakikipagtulungan sa komunidad, muling tiniyak ng PNP ang kanilang pangako na gawing ligtas at mapayapa ang Kapaskuhan para sa lahat.
Proactive ang direktibang ito ni Gen. Marbil dahil sabi nga “gusto ng mga pulis, masaya at higit sa lahat ligtas ang publiko” sa Kapaskuhan sa banta ng mga halang ang kaluluwa.