Home OPINION KANDIDATONG HOODLUM

KANDIDATONG HOODLUM

HINDI talaga matatawaran ang kawalanghiyaan ng ibang tao, lalo na iyong mga desperadong politiko.

Ultimo ang pagdiriwang ng Kapaskuhan ay ginagamit nilang dahilan para ngayon pa lang ay makapamili na sila ng boto at tiyakin ang kanilang panalo.

Sa madaling salita, kahit halos anim na buwan pa ang araw ng halalan ay talagang hindi na sila makapaghintay para mandaya ng kanilang mga kalaban.

Sukdulang gamitin pa nilang dahilan ang pagdiriwang ng araw ng kapanganakan ng ating Panginoong Hesukristo.

Katulad na lang halimbawa ng isang konsehal na kilala mula sa angkan ng mga haragan, na naghahangad maging kongresista sa 2nd District ng Laguna.

Base sa mga video footage na kumakalat ngayon sa social media ay kitang-kita ang lantaran at pwersahang paghahakot nila ng mga tao at pamimili ng boto mula sa iba’t ibat bayan sa kanilang distrito tulad ng Los Banos, Bay, at maging sa Cabuyao City.

Ang modus operandi ng grupo ng dorobong politikong ito ay isinasakay sa mga truck nila ang mga tao sa dilim ng gabi, bago dinadala sa kanilang mga tagong bodega para bigyan kuno ng Pamasko na isang sakong bigas at may P1K pa na cash.

Pero sa totoo lang ay hindi naman nagiging mabait at namimigay talaga ng Pamasko ang kolokoy na ito.

Dahil bago makatanggap ng pabuya ang mga tao ay kailangang magpakita muna sila ng pruweba na mga rehistrado silang botante sa kanilang distrito.

Bukod dito ay kinukuha rin ang kanilang mga pangalan at isinasama sa listahan ng kanilang mga botante, na may halong pananakot na babalikan sila sa sandalling hindi nila iboto ang hoodlum na kandidato.

Ang tanong saan nanggagaling ang pera na ginagastos ng hoodlum con politician na ito?

‘Di kaya galing ito sa pangungurakot o di kaya naman ay sa mga illegal drugs dealer o mga illegal gambling operator na binibigyan nila ng proteksyon?

Kilalang notorious kasi ang angkan ng kumag na ito at walang sinasanto kundi ang kinang ng salapi.

Nag-iisip din ang ilang nagmamasid na maaaring nanggaling din ang perang ginagastos niya sa isang maanomalyang P4 bilyon loan contract na inaprubahan ng kanilang konseho kamakailan.

Kung saan man nanggagaling ang pera ng politikong hoodlum na ito ay dapat lang na kumilos na ang ating mga awtoridad lalo na ang ating pulisya at ang Commission on Elections.

Dapat ngayon pa lang ay tanggalin na ang pangil ng buwayang ito sa pamamagitan nang pagsasagawa ng isang malalimang imbestigasyon kaugnay ng mga anomalyang ginagawa ng kandidatong pulpol na ito.

Importante ang agarang pag-aksyon ng mga awtoridad bago pa maging huli ang lahat at mauwi ang darating na halalan sa malawakang dayaan na maaaring magresulta sa madugong karahasan.