NAKAUWI na ba lahat ang mga Pinoy na nasa Haiti at Sudan?
Kakaunti lang naman ang mga Pinoy sa mga bansang ito.
Kaya lang, dapat silang pangalagaan dahil Pinoy pa rin sila.
Bawat buhay nila, dapat ituring na pinakamahalaga.
Gayundin na dapat pangalagaan maging ang kanilang mga dangal.
MASAKER SA HAITI
Pinakahuling pangyayari sa Haiti ang pagmasaker sa mahigit 180 katao sa Cité Soleil sa Port-au-Prince City na kapital ng bansang ito sa Caribbean.
Pinamasaker ni gang leader Micanor “Mikanò” Altès ang mga biktima makaraang akusahan ang mga suspek na kinulam o vinoodooo ang kanyang anak na nagkasakit.
Ginawa ni Mikano ang masaker makaraang sabihin ng isang pari na nanggagamot ng kulam o voodoo na gawa ang sakit ng mga nambo-voodoo.
Mismong si Altes ang unang bumaril hanggang mamatay ang nasa 60 katao at sinundan ito ng pagpatay na rin sa iba pa ng kanyang mga kasama at tauhan.
Baril, palakol, itak at kutsilyo ang mga ginamit sa pagpatay at 127 dito ang matatanda na inakusahang marunong sa voodoo habang ang iba, idinamay na lamang.
Sinasabi ng pamahalaang Haiti na sobrang karahasan ang ginawa ng grupo ni Altes.
Kaya aaksyon umano sila.
Gayunman, walang nakaaalam kung maisasagawa ang pagkontrol sa mga gang dahil sila ang naghaharti sa buong bansa at hindi ang gobyerno.
Mayroon namang mga multi-national na sundalo at pulis na nagbabantay sa pamahalaan at sa publiko ngunit sinasabing hindi sila epektibo laban sa mga makapangyarihang gang.
RAPE AT BENTAHAN NG LAMAN SA SUDAN
Mabangis ang giyera sa pagitan ng Sudan Army at Rapid Support Forces militia na mahigit nang isang taon.
Nasa 27,000 ang namamatay mismo sa kanilang labanan habang nasa 34,000 ang namamatay sa gutom, sakit at iba pa.
Umaabot na sa 10 milyong Sudanese ang maya’t maya nagbabakwit kung saan-saan sa bawat pagsiklab ng digmaan ng mga naglalabanan.
Kasama, mga Bro, sa mga nagaganap ang rape sa mga kababaihan ng magkabilang panig.
May mga nagbebenta rin ng kanilang mga katawan upang maisalba sa gutom ang mga sarili at kanilang mga anak at pamilya.
MGA PINOY, NASAAN NA BA SILA?
Maya’t maya, may mga umuuwing Pinoy mula sa Haiti at Sudan.
Nakikita ito sa mga balitang inilalabas mismo ng Department of Migrant Workers at Overseas Workers Welfare Administration.
Hindi matatawaran ang pagkilos ng dalawang ahensyang ito sa pagkalinga sa mga Pinoy na nasa gitna ng kaguluhan, karahasan, civil war at krimen sa nasabing mga bansa.
Ang nais lang natin malaman ay kung naibakwit na o nakauwi na lahat ang mga Pinoy.
At kung meron mang mga natitira at may mga dahilan, gaya ng hindi pag-iwan sa asawang Haitian o Sudanese, ay hayaan sila sa kanilang desisyon.
O kaya’y naging Sudanese o Haitian na rin sila.