Home NATIONWIDE Shear line, easterlies, Amihan sanib-pwersang magpapaulan sa Pinas

Shear line, easterlies, Amihan sanib-pwersang magpapaulan sa Pinas

MANILA, Philippines – Ang shear line, easterlies, at Northeast Monsoon (Amihan) ay patuloy na magdadala ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa, sinabi ng PAGASA nitong Miyerkules.

Sa kanilang 4 a.m. bulletin, sinabi ng state weather bureau na ang Metro Manila, CALABARZON, Nueva Ecija, Bulacan, Aurora, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes ay magkakaroon ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pulu-pulong pagkidlat-pagkulog dahil sa shear line.

Pinapayuhan ang mga residente sa mga lugar na ito na maging handa sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Ang easterlies ay magdadala ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Eastern Samar, Dinagat Islands, Surigao del Norte, at Surigao del Sur, na maaaring magdulot ng posibleng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.

Ang PAGASA ay naglabas ng parehong flash flood warning sa Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountan Province, at Ifugao na makakaranas ng maulap na papawirin na may mga pag-ulan na dala ng Northeast Monsoon sa Amihan.

Ang Amihan ay magdadala ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mahinang mga pag-ulan sa Ilocos Region, at sa natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region at Central Luzon.

Ang nalalabing bahagi ng bansa ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies. RNT