MANILA, Philippines – Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Sabado, Disyembre 20 na hinalughog ng mga operatiba nila sa Cordillera Administrative Region ang hotel sa Baguio City kung saan tumuloy si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral bago ang misteryoso nitong pagkamatay.
Sa Facebook post, sinabi ng NBI na hinalughog ng mga ahente ng NBI ang hotel room ni Cabral sa bisa ng search warrant na inisyu ni Regional Trial Court–Baguio City Branch 6 Judge Michael Francisco, na nagbibigay-kapangyarihan sa mga awtoridad na kumuha ng ebidensya na maaaring makapagpalinaw ng kaso ng pagkamatay ni Cabral.
Sinabi ng NBI na ang operasyon ay nakatutok sa pagkuha ng mga rekord at iba pang gamit na may kaugnayan sa imbestigasyon.
Matatandaan na si Cabral, isang seasoned civil engineer at dating DPWH undersecretary for planning and public-private partnerships, ay natagpuan noong Disyembre 18 na “unconscious and unresponsive” 20 hanggang 30 metro sa baba ng highway ilang oras matapos sabihin ng drayber na iniwan niya ito sa gilid ng kalsada sa Kennon Road, Tuba, Benguet.
Nadiskubre ng pulisya ang katawan ni Cabral sa gilid ng Bued River, o 20 hanggang 30 metro sa baba ng highway.
Tinukoy sa autopsy na ang pagkamatay ni Cabral ay dahil sa blunt force trauma na naaayon sa pagkahulog, bagamat inaalam pa ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng anggulo kabilang ang posibleng suicide at iba pa.
Uminit naman ang isyung ito sa publiko lalo pa’t si Cabral ay maraming nalalaman tungkol sa mga anomalya sa flood control projects.
Umapela naman ang mga awtoridad sa mga motorista na dumaan sa Kennon Road noong Disyembre 18 na magpasa ng dashcam footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon. RNT/JGC