APRUBADO na sa House of Representatives (HOR) sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na “Housing Loan Restructuring and Condonation Act,” na layong magbigay ng matagal nang hinihintay na ginhawa sa mga benepisyaryo ng socialized at low-cost housing programs sa bansa.
Nakapaloob sa panukala ang pagtatatag ng isang komprehensibong programa para sa loan restructuring at condonation ng mga pautang sa pabahay na saklaw ng National Housing Authority (NHA), Social Housing Finance Corporation (SHFC), National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC), at Philippine Guarantee Corporation (PGC).
Pinuri ni Cavite 1st district representative Lani Mercado- Revilla, isa sa mga pangunahing may-akda, ang paglusot ng panukalang batas sa HOR. Nais ng mga mambabatas na bigyan ng makatarungan at makatotohanang pagkakataon ang mga problemadong homeowner na mapanatili ang kanilang mga tahanan sa pamamagitan ng pagpapagaan sa bigat ng utang na dulot ng naipong interes, multa, at iba pang singil.
Binigyang-diin niya na ang panukala ay magbibigay sa mga pamilya ng pagkakataong makabangon at manatili sa sarili nilang tahanan.
Kapag naaprubahan ang aplikasyon ng isang borrower, maaaring patawarin o burahin ang umiiral na interes, multa, at surcharges. Ang na-restructure na loan ay papatawan din ng mas mababang interest rate upang maging mas abot-kaya ang buwanang hulog.
Bukod dito, inaalis din ang ilang hadlang sa pag-aplay ng loan restructuring, kabilang ang pagbabayad ng processing fees at down payment.
Maaari ring pahabain ang termino ng utang, sa makatuwirang hangganan, upang higit pang mapababa ang buwanang amortization at maiwasan ang muling pag-default ng mga benepisyaryo.
Sabi ni Rep. Revilla-Mercado, hindi dapat maging habambuhay na pasanin ang pabahay, at ang pagkakaroon ng sariling bahay ay nagsisilbing pundasyon ng dignidad at seguridad ng pamilya, lalo na para sa mga manggagawang mababa ang kita.
Aniya, ito ay nagtataguyod ng balanse sa pagitan ng malasakit at pananagutan.
Maraming pamilyang Filipino ang nais tuparin ang kanilang obligasyon sa pabahay ngunit nabigatan dahil sa patong-patong na singilin na hindi na nila kayang kontrolin.
Sa pag-apruba ng HOR mas napalapit na ang panukala sa pagiging ganap na batas. Inaasahan namang tatalakayin at bubuo ang Senado ng katulad na panukalang batas.






