MANILA, Philippines- Huli ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) convoy sa pagdaan sa EDSA busway at umano’y pag-uutos sa traffic enforcers na itigil ang operasyon ng mga ito.
Batay sa ulat, bumibiyahe ang convoy, kabilang ang puting van at isa pang sasakyan, pa-norte sa Ortigas section ng EDSA busway.
Paglapit nila sa enforcers mula sa Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT), tinangka nilang lumabas sa lane subalit pinara sila.
Nakasaad sa DOTr-SAICT incident report na kabilang ang isang high-ranking PNP-HPG official sa mga sakay ng convoy.
“Minumura pa nga yung enforcer na parang sinasabi na taga-traffic lang naman kayo eh,” paglalahad ni DOTr-SAICT spokesperson Jonathan Gesmundo.
Sa isa pang video, maririnig na humihirit ang isang HPG member sa enforcers na suspendihin ang operasyon ng mga ito.
“Dahil pinuputakti kayo sa social media, baka pwede nating pagbigyan muna na, sir. Nag re-request kasi si Chief PNP,” wika ng HPG member.
“Kung pwede. Wala rin kasi akong contact sa office ninyo. Request kasi ni Chief PNP na kung pwede pagbigyan na lang kasi nga nag cre-create ng kwan (traffic),” dagdag niya.
Dagdag ni Gesmundo, bagama’t iniisyuhan ang HPG convoy ng traffic violation ticket, dumating ang isa pang sasakyan na may PNP markings, iginiit na ipinag-utos ni PNP Chief Police General Rommel Marbil sa enforcers na itigil ang operasyon.
Nilinaw ng DOTr-SAICT na walang awtoridad ang PNP na ipatigil ang enforcement operations, dahil ang busway ay proyekto ng DOTr, at tanging si Transportation Secretary Jaime Bautista lamang ang maaaring magpalabas ng ganitong direktiba.
Sa kabila nito, tiniketan pa rin ang HPG convoy.
Sa kasalukuyan ay wala pangt tugon si Marbil at ang PNP ukol ditop. RNT/SA