Home OPINION HUWAG MAGBUNYI SA AKSYON NG ICI

HUWAG MAGBUNYI SA AKSYON NG ICI

335
0

MAAGA pa para magbunyi ang sinomang lumalaban sa korapsyon at pandarambong sa kaban ng bayan na binubuo ng buwis ng mga mamamayan.

Ito ang bulong ng ating Uzi makaraang magrekomenda ng kasong korapsyon at pandarambong sa Office of the Ombudsman ang Independent Commission for Infrastructure laban sa dalawang senador at dalawang dating kongresman, isang dating undersecretary ng Department of Public Works and Highways, isang commissioner ng Commission on Audit at iba pa.

Direct at indirect bribery o panunuhol, corruption of public officers at plunder o pandarambong ang mga kaso.

Bagaman magandang pakinggan o tingnan ang pangyayari, daraan pa ang mga kaso sa masusing pag-aaral mismo ng Office of the Ombudsman o OMB Sandiganbayan at Supreme Court.

Sa normal na kalagayan, maaaring madismis mismo ang mga kaso sa antas ng OMB o kaya sa Sandiganbayan at sa Supreme Court.

Kung may makalulusot sa OMB at papasok sa Sandiganbayan ang kaso para malitis, pupwede pa ring madismis ang mga kaso.

At pupwedeng madismis ang mga kaso sa Supreme Court kahit pa makulong ang mga nasasakdal sa bisa ng desisyon ng Sandiganbayan.

NASAAN ANG IBA?

Kung pakikinggan ang mga boses ng katulad ni Navotas City Congressman Toby Tiangco, dating Ilocos Sur Chavit Singson at mismong si dating Congressman Zaldy Co, marami ang dapat na maimbestigahan at makasuhan.

Partikular si Zaldy Co, iginiit nitong hindi niya magagawa nang mag-isa ang gumawa ng mga pagkilos upang “maisaayos” at maaprubahan ang mga badyet ng pamahalaan na puno ng katiwalian.

Bukod kay Co, nababanggit naman ni Tiangco kung bakit pumirma sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang mahigit 215 kongresman.

Si Singson naman, iginigiit na may dapat maimbestigahan sa Norte, bukod sa iba.

At lahat ng ito, nadadamay ang maraming kongresman at ilang taga-Malakanyang.

Hangga’t walang marerekomendahan sa mga ito ng kasong katulad ng para sa nasabing dalawang senador, dalawang dating kongresman at ilang taga-DPWH at kontraktor, wala ngang dapat na ipagbunyi ng sinoman.

KULONG AT PAGSASAULI NG NAKAW NA YAMAN

Sa palagay ba ninyo, sapat nang may makulong sa bisa ng desisyon ng Sandiganbayan?

Tatandaan na ang pagkakulong, may mga hakbang gaya ng pansamantalang detensyon ng mga maiisyuhan ng warrant of arrest.

Maaaring sa anomang araw, maaaring makapagpiyansa at pansamantalang lalaya ang mga akusadong ito.

Maaaring magtagal sa kulungan ang mga hindi papayagang makapagpiyansa at lalaya lamang sila makaraan ang mahabang panahon ng paglilitis kung idedeklara silang inosente sa mga akusasyon.

Sa huli, kung ideklarang silang guilty, paano kung babaligtarin ng Supreme Court ang hatol na pagkakasala?

Dito apektado, mga Bro, ang mga kahilingan o natural na kakambal ng kaso na pagkumpiska “nakaw na yaman” ng mga akusado.

Kapag idineklarang wala ni anomang pagdududa na inosente ang akusado, walang maisasauli na “nakaw na yaman.”

Mahirap naman bumawi ng nakaw na yaman sa mga papayagang lalaya sa bisa ng ibang mga dahilan.

Kaya naman, wala pang anomang dahilan para magbunyi ang lahat.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here