Home METRO Ikalawang salisi gang na nambiktima kay Comelec chief Garcia, nalambat

Ikalawang salisi gang na nambiktima kay Comelec chief Garcia, nalambat

254
0

MANILA, Philippines – Nadakip sa ikinasang continuous hot pursuit operation ng mga tauhan ng Station Special Investigating Team (SSIT) ng Pasay City police ang ikalawang suspek na miyembro ng Salisi Gang na bumiktima kay Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Erwin Garcia sa Bacoor, Cavite, Huwebes ng hapon, Agosto 21.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang inarestong suspek na si Rowel Tengson y Seruno, 41, a.k.a. Romson Magalpoc at alyas Rawraw, residente ng Sari Street, Soldiers 4, Barangay Molino VI, Bacoor, Cavite.

Base sa sinumiteng report kay Southern Police District (SPD) director P/Brig. Gen. Randy Arceo, sinabi ni De Sesto na bunsod ng kanyang direktiba ay naisakatuparan ang pagdakip kay Tengson sa isinagawang hot pursuit operation ng mga tauhan ng SSIT bandang alas-4:52 ng hapon sa kahabaan ng Molino Road, Barangay Molino VI, Bacoor, Cavite.

Ayon kay De Sesto, naging matagumpay ang pagdakip kay Tengson sa tulong ng ilang confidential informants na nagbigay ng impormasyon sa pulisya tungkol sa kinaroroonan ng suspek sa Bacoor, Cavite, na nagdulot ng agarang pagkakaaresto nito.

Positibo namang kinilala ng isang saksi na si Heart Kristine Sanchez, 22, residente ng Durian Street, Almanza Uno, Las Piñas City, ang suspek na siyang kumuha ng bag ni Garcia na nangyari sa Singing Cooks and Waiters Atbp. Restaurant kung saan ito nagtatrabaho bilang singing waitress.

Sinabi ni De Sesto na base sa imbestigasyong isinagawa ng Station Investigation and Detective Management Section (SIDMS), napag-alaman na nagtungo si Garcia sa Singing Cooks and Waiters Atbp. Restaurant na matatagpuan sa Service Road ng Roxas Boulevard, Pasay City, nitong nakaraang Agosto 19, 2025, para mananghalian, at bandang alas-12:50 ng tanghali ay nadiskubre ang pagkawala ng kanyang bag.

Matatandaan na naunang nadakip ang babaeng suspek na si Hazel Java sa isinagawang follow-up operation ng SSIT sa Las Piñas City nitong nakaraang Agosto 20.

Patuloy ang pagsasagawa ng SSIT ng hot pursuit operation laban sa anim pang nakalalayang suspek, habang sina Java at Tengson ay sinampahan na ng kasong theft sa Pasay City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here