Home OPINION IKASISIRA NG BUONG PHIL. EDUCATION SYSTEM

IKASISIRA NG BUONG PHIL. EDUCATION SYSTEM

TUMITINDI ang pagtutol sa Senate Bill 1359 at House Bill 7584, mga panukalang nagbabawal sa No Permit, No Exam policy sa mga paaralan.

Dumarami ang mga samahan ng private schools na umaalma rito. Ayon sa kanila, hindi yata naiisip ng mga mambabatas ang pinsalang maidudulot ng mga panukala sa buong educational system ng bansa.

Sa biglang tingin, mukhang maganda naman ang layon ng mga panukala dahil makakapag-exam ang mga estudyante kahit hindi pa bayad sa matrikula. Masaya, ‘di ba? Pero ano na pagkatapos? Ang totoo’y obligado pa rin naman ang mga mag-aaral na bayaran ang kanilang matrikula. Kumbaga, pinag-exam lang sila pero hindi nila makukuha ang kanilang school credentials hanggang hindi pa sila nakababayad.

Kung ang layon ng No Permit, No Exam (NPNE) Prohibition Act ay mabigyan ng pinansiyal na lunas ang mahihirap sa private schools, hindi ito epektibo. Pansamantala lamang ang lunas dahil utang pa rin ito na sisingilin ng mga paaralan. Bagkus, patitibayin lamang nito ang isa sa mga hindi magandang ugali ng mga Pilipino – ang magkaroon ng patong-patong na utang.

Dahil sa NPNE Prohibition Act, ang private schools naman ay nanganganib na mabangkarote dahil sa hindi pag-obliga sa mga estudyante at magulang na magbayad ng matrikula sa takdang oras.

Sa isang pag-aaral, nakita na maaaring sa loob lamang ng dalawang buwan ay ubos na ang cash-on-hand ng private schools kapag inumpisahang ipatupad ang NPNE Prohibition Act.

Papaano na ang suweldo ng mga guro at iba pang empleyado? Papaano na ang bayad sa kuryente, tubig, upa, at iba pang obligasyon? Maaari rin bang ipagpaliban ang bayad ng private schools sa mga ito?

Ilan lamang ito sa mga problemang maaaring idulot ng SB 1359 at HBN 7584. Bukod pa ito sa mga madi-displace na mag-aaral kapag tuluyang nagsara ang private schools. Kaya ba silang saluhin ng public schools gayong kulang sila ng classrooms at iba pang pasilidad?

Ang apela lang naman ng private schools ay makipagdayalogo muna ang mga mambabatas sa kanilang grupo nang magkaroon ng mas balanse, mas makatarungan, at mas kapakipakinabang na panukala na magbibigay ng totoong ganansya para sa lahat ng stakeholders sa education sector.