Home METRO Ilang indibidwal nalambat sa piracy

Ilang indibidwal nalambat sa piracy

MANILA, Philippines- Nagsampa ng kaso ang National Bureau of Investigation (NBI) sa ilang mga indibidwal dahil sa pamimirata o piracy sa katubigan ng Pilipinas.

Sinabi ni NBI Director Judge Jaime B. Santiago, ang Piracy ay may kalakip na parusa sa ilalim ng Revised Penal Code.

Ayon kay Santiago, ang Hongkong River Engineering Co.Ltd, sa pamamagitan ng awtorisado nitong kinatawan, ay humingi ng tulong sa NBI upang marekober ang kanilang sasakyang-pandagat na M/Tug “ASL PROSPER” at arestuhin ang mga indibidwal na ilegal na kumumpiska nito.

Disyembre 2024 nang bantaan ang crew/watchmen ng ilang indibidwal na kakasuhan sila kapag hinidi nilisan ang tugboat.

Nauna rito, nailathala sa isang pahayagan noong Nobyembre ng PENCON8 Salvage Corporation, isang local salvage company, na ang M/Tug ay sinasabing inabandona at nasa panganib sa navigation.

Nagpadala ng liham ang Hongkong River Engineering Co., Ltd. sa District Commander ng Philippine Coast Gard (PCG) North-Western Luzon, at ipinaalam na ang M/Tug “ASL PROSPER” ay hindi pinababayaan at maging maingat sa mga walang prinsipyong indibidwal na binanggit ang PENCON8, isang local salvage company.

Sa kabila ng naturang sulat, naglabas ng Emergency Salvage Permit ang Sual Pangasinan Station Commander pabor sa PENCON8.

Noong Enero 3, 2025, nakatanggap ng impormasyn na ang M/Tug na namataan sa Navotas Fishport Complex Pier 4.

Sa pagtatanong sa Philippine Coast Guard (PCG) Substation Commander, inihayag na ang M/T MAGILAS, na dumating sa kanilang daungan mula sa Sual, Pangasinan, ay may kasamang M/T ASL PROSPER. Ang mga tauhan na pinangalanan doon ay sina Daniel Luste at Ricardo Padua, Jr. Napag-alaman na si Daniel Luste ay konektado sa Sealoader Shipping Corporation at hindi mula sa PENCON8.

Namataan din ng mga operatiba ang tugboat na nakatago at natatakpan ang malaking barko na Supershuttle Roro 12. Sa tugboat, lulan sina Daniel Lustre, Rene Dupo at Eldrine Lasanas.

Sinabi ng mga ito na konektado sila sa Sealoader Shipping Corporation na pag-aari ng isang Ricardo Veloso. Nang hanapan ng mga dokumento na patunay ng kanilang awtoridad na sumakay at mapasakanilang pag-iingat ang tugboat– wala silang maipakitang anumang dokumento dahilan para sila ay arestuhin.

Ayon sa NBI, dahil kinuha ang M/Tug “ASL PROSPER” laban sa kalooban o walang pahintulot ng rehistradong may-ari, ang mga taong umatake o nang-agaw sa barko sa pwesto sa PPA Sual Pangasinan at mga taong sumakay sa barko mula Sual, Pangasinan hanggang Navotas Fishport ay hindi rin konektado sa PENCON8 kundi isang third-party na korporasyon na SEALOADER Shipping Corporation.

Dahil dito, inirekomenda ng NBI na ang mga nabanggit sa itaas, kasama ang ilang iba pa, kabilang ang mga opisyal at mga direktor ng PENCON8 Salvage Corporation, ay kaaksuhan para sa krimen ng Piracy na pinarusahan sa ilalim ng Article 122 ng Revised Penal Code, bilang sinususugan ng Republic Act No. 7659. Jocelyn Tabangcura-Domenden