Home OPINION I’M A BARBIE GIRL

I’M A BARBIE GIRL

PARA ito sa lahat ng mga babae.

Di ko alam kung ano ang aasahan ko sa pelikulang “Barbie”.   Kahit lampas singkwenta anyos na, tulad din ng maraming batang babae, lumaki ako na ang pangarap ay maging kasing ganda, seksi at ismarte ni Barbie.  Sa kanyang tangkad, ganda ng buhok at gara ng mga damit, siya ang naging modernang prinsesa na pumalit sa fairy tales na nakagisnan ko.

Lumabas ako ng sinehan na mas matibay ang paniniwalang napakalaki nang papel ng kababaihan sa lipunan natin.   Actually, ang daming binasag ng pelikula sa mga karaniwang gawi at paniniwala natin kung ano nga ba ang ambag ng mga babae.

Una, sinimulan ni Barbie na baguhin ang pananaw ng mga bata na naglalaro ng manyika.   Bago kasi si Barbie, karamihan sa mga laruang manyika ay mga “baby” at ang role ng babae ay maging “nanay”.   Pero dahil kay Barbie, naging modelo na s’ya ngayon kung ano ang pangarap na pwedeng maging hitsura at gawin ng isang babae kapag s’ya ay lumaki na.

Pangalawa, nakita ng mga manonood kung ano ang pwedeng hitsura ng isang matriyarkal o “matriarchal” na lipunan, kung saan ang mga babae ang dominante at nagpapatakbo ng bayan.   Na ang mga babae ay kayang gawin at maabot ang kahit na anong bagay, dahil meron silang buong kalayaan para abutin ang kanilang mga pangarap.   At pwede nilang sabihin kung anoman ang nararamdaman at iniisip nila.

Sa ganitong paglalahad ng kwento, nakita din natin kung ano ang mga pagkukulang ng isang lipunan na umiiral ang patriyarkal o patriarch, kung saan kalalakihan ang dominante.

Ayoko namang magbigay ng “spoiler” dito, pero pangatlong  importanteng punto para sa akin eh, napakagandang paliwanag at ending kung ano ba talaga ang esensyang sinisimbolo ni Barbie.   At kung bakit ang mga sarili natin ang pinaka-mahalagang pananaw na dapat ay pinakikinggan natin.

Na ang tunay na ganda ay hindi lang panlabas, kundi mas higit ang panloob.