Home HOME BANNER STORY Imbes na Bagong Pilipinas, grupo binatikos ang gobyerno sa ‘Binigong Pilipinas’

Imbes na Bagong Pilipinas, grupo binatikos ang gobyerno sa ‘Binigong Pilipinas’

221
0

MANILA, Philippines – Binatikos ng ACT Philippines ang 2026 national budget na nilagdaan ni Pangulong Marcos, tinawag itong “Binigong Pilipinas” dahil sa kakulangan sa pondo para sa pampublikong edukasyon, mababang sahod ng guro, at prayoridad sa pork barrel allocations.

Ani ACT Chairperson Ruby Bernardo, nananatiling hungkag ang pangakong “Bagong Pilipinas” para sa mga guro at kawani ng gobyerno na nahaharap sa mababang sahod at tumataas na gastusin.

Makakatanggap lamang ang mga guro ng P50 na dagdag sa araw-araw na sahod sa ilalim ng Executive Order No. 64, na ayon sa grupo ay natatalo sa implasyon at mataas na presyo ng bilihin.

Binanggit din ng grupo ang daang-daang bilyong piso sa discretionary o “pork barrel” funds, kabilang ang P243 bilyon sa unprogrammed appropriations at higit P200 bilyon sa mga soft programs gaya ng AICS, MAIFIP, TUPAD, at Tulong-Dulong.

Nagbabala ang ACT na ang mga infrastructure project ay nananatiling bulnerable sa political manipulation at kickbacks.

Pinuna ni Bernardo ang underfunded programs tulad ng Aral Program, na nagpwersa sa mga guro na gumamit ng sariling pera bago maitalaga ang P8.9 bilyon na pondo.

Ayon sa grupo, taliwas sa anti-corruption stance ng administrasyon ang laki ng pork barrel funds at preferential na pagtaas ng sahod para sa pulis at militar, habang patuloy na nahaharap sa masisikip na silid-aralan at mahinang kondisyon sa pagkatuto ang mga guro.

Inulit ng ACT ang kanilang panawagan para sa P50,000 na entry-level salary ng guro, malaking pagtaas ng sahod para sa lahat ng kawani ng gobyerno, pondo sa edukasyon na katumbas ng hindi bababa sa 6% ng GDP, at pag-redirect ng discretionary funds sa edukasyon, kalusugan, at pangunahing serbisyo. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here