MANILA, Philippines – Patuloy sa pagbagal ang inflation rate sa Pilipinas sa 1.8% noong Marso.
Iniulat ni PSA chief at National Statistician Claire Dennis Mapa na ang 1.8% na inflation rate sa buwan ng Marso ay mas mabagal sa 2.1% inflation rate noong Pebrero.
Ito rin ang pinakamabagal na inflation rate sa loob ng limang taon, o mula sa 1.6% na naitala noong Mayo 2020.
Nagdala ang inflation print noong nakaraang buwan sa year-to-date rate na 2.2%, na pasok sa ceiling ng pamahalaan na 2% hanggang 4% para sa kabuuang taon.
“Ang pangunahing dahilan ng mas mababang antas ng inflation nitong Marso 2025 kaysa noong Pebrero 2025 ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng Food and Non-Alcoholic Beverages sa antas na 2.2% [from 2.6%],” sinabi ni Mapa.
Ayon kay Mapa, ang Food and Non-Alcoholic Beverages index ay nag-ambag ng 50.2% sa kabuuang paghupa ng inflation.
Ito ay dahil sa pagbaba sa presyo ng cereal at iba pang cereal products sa -5.2%, at ang bigas sa -7.7% mula sa deflation na -4.9% noong Pebrero.
Bumuti rin ang presyo ng karne mula sa inflation rate ng 8.8% ay naging 8.2% na lamang.
Ang ikalawang contributor sa overall inflation decline noong Marso ay ang index of Transport, sa -1.1% mula sa -0.2% at nag-ambag ng 27% sa headline rate.
Kabilang din dito ang mataas na pagbaba sa gasolina (-7.5% mula -4.7%) at diesel (-5% mula -3.4%).
Samantala, ang ikatlong contributor sa paghupa ng inflation print noong Marso ay ang index of Restaurants and Accommodation Services sa 2.3% mula 2.8% at share na 16% sa downtrend.
“The continued decline in inflation indicates the effectiveness of the government’s proactive measures to stabilize prices and protect the purchasing power of Filipino households. While the inflation rate continues to ease and remain within the target range, we commit to monitoring risks and shocks, particularly on anticipated electricity rate hikes and higher prices of fish and meat, and addressing them through timely and targeted interventions,” pahayag ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan.
Idinagdag pa niya na ang Marcos administration “will continue to implement strategies to safeguard the purchasing power of Filipinos as the country’s inflation rate continued to decline in March 2025.” RNT/JGC