Home NATIONWIDE IRR ng Anti-Bullying Act aamyendahan ng DepEd

IRR ng Anti-Bullying Act aamyendahan ng DepEd

MANILA, Philippines- Nakatakdang baguhin ng Department of Education (DepEd) ang implementing rules and regulations (IRR) ng Anti-Bullying Act of 2013 para paigtingin ang pagsisikap laban sa insidente ng ‘bullying.’

Sa isang kalatas, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara na ang ipinatupad na batas ay hindi pa ganap na isinasakatuparan sa lahat ng pampublikong paaralan sa buong bansa.

“Kailangan na mas mabusisi at masinop tayo sa pagbantay ng mga bullying incidents. Mahigit isang dekada na nung pinangunahan natin ang pagbuo ng batas na ito sa Senado,” ayon kay Angara.

“Ngayong nasa DepEd na tayo, nakita kong hindi pa rin lahat ng paaralan ay may anti-bullying policy,” dagdag ng kalihim.

Nakatakda namang makipagtulungan ang DepEd sa Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) sa rebisyon o pagbabago ng IRR, na inaasahang makukumpleto bago magsimula ang academic year 2025-2026.

Layon aniya ng pagrepaso sa IRR ay na tiyakin ang pagsunod sa umiiral na batas.

“We have strengthened the learner protection office to increase capacity and ensure more people are available to help victims,” ang sinabi ni Angara.

Ang Learner Rights and Protection Office, itinatag noong 2022, nagsilbi bilang platform para sa pagre-report ng bullying at iba pang uri ng karahasan.

Prayoridad aniya nila na makapagbigay ng karagdagang guidance counselor positions upang masiguro ang sapat na tulong sa pagtugon sa mga hamon na may kinalaman sa bullying.

Suportado naman ni Senator Sherwin Gatchalian ang desisyon ng DepEd na repasuhin ang IRR ng Anti-Bullying Act, sinabi ng Senador na mapalalakas nito ang anti-bullying programs at tutugunan ang tumataas na insidente sa eskwelahan.

“The proposed revisions should pave the way for stronger anti-bullying programs,” aniya pa rin, tinukoy ang 2022 Programme for International Student Assessment (PISA), nagpapakita na isa sa tatlong Filipino learners ang nakararanas ng bullying kahit minsan sa isang linggo.

Sa ulat, ang Pilipinas ay mayroong pinakamataas na napaulat na bullying rates sa hanay ng Organisation for Economic Co-operation and Development (OECD) countries kapwa sa taong 2018 at 2022 PISA assessments.

Binigyang-diin din Gatchalian ang pangangailangan na tugunan ang hindi pantay na law enforcement, inconsistent na school practices, at kakulangan ng trained personnel.

Samantala, ayon sa 2nd Congressional Commission on Education report, may 10,018 public schools ang nananataling salat sa localized anti-bullying policies.

Winika naman ni Gatchalian na ang implementasyon ng Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act (Republic Act No. 12080) ay makatutulong na labanan ang bullying sa pamamagitan ng pagbibigay mandato sa School-Based Mental Health Program. Kris Jose