MANILA, Philippines – Makakapili ng kanilang mga unang opisyal sa midterm elections sa susunod na taon ang mga bagong bayan na lalabas mula sa ratipikasyon ng kanilang paglikha sa pamamagitan ng plebisito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
“In case the proposed creation of new municipalities is ratified, we expect that the election of their local officials will be done in the forthcoming May 2025 elections. Most likely, the election of mayors, vice mayors, and councilors will happen in 2025,” sabi ni Commission on Elections (Comelec) spokesperson John Rex Laudiangco sa Bagong Pilipinas Ngayon briefing .
Itinakda ng Comelec ang plebisito sa Abril 13 sa BARMM special geographic area na binubuo ng 63 Barangay ng North Cotabato na iminumungkahi na bumuo ng walong bagong munisipalidad — Pahamuddin, Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan at Ligawasan.
Ang nakatakdang electoral exercise ay alinsunod sa Bangsamoro Autonomy Act Nos. 41 hanggang 48. Samantala, ang mga botante sa BARMM ay nakatakdang makakuha ng dalawang balota sa botohan sa susunod na taon, dahil kalahok sila sa midterm elections at sa unang parliamentary elections sa rehiyon.
Sinabi ni Comelec chairman George Garcia na ang isang balota ay para sa national at local elections na kinabibilangan ng mga senador at party-list at mga lokal na opisyal ,at isang hiwalay na balota para sa halalan ng mga miyembro ng parlyamento.
Aminado si Garcia na ang pagsasagawa ng dalawang sabay na halalan ay isang malaking hamon sa kanila.
Ang halalan ng parlyamentaryo ng Bangsamoro ay maghahalal ng mga kahalili ng mga pansamantalang miyembro ng Parliament ng Bangsamoro Transition Authority. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)