Home NATIONWIDE Promosyon ng dating PSG chief, 46 AFP officials lusot sa CA

Promosyon ng dating PSG chief, 46 AFP officials lusot sa CA

MANILA – Lusot na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang ad interim appointment ng 46 na heneral/flag officers at senior officers ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kabilang ang dating Presidential Security Group chief Brig. Gen. Ramon Zagala.

Itinalaga si Zagala bilang commander ng Civil Relations Service ng AFP noong nakaraang taon.

Pinatunayan ni Rep. Jurdin Jesus Romualdo, tagapangulo ng panel ng National Defense ng CA, sa plenaryo na ang mga opisyal ng AFP ay kuwalipikadong kumuha ng kanilang mga ranggo.

Gayunpaman, ipinagpaliban ng panel ang ad interim appointment ni Brig. Gen. Ranulfo Sevilla sa kahilingan ni Senador Risa Hontiveros na hindi nakadalo sa pulong ng CA.

Ito, matapos makatanggap ng sinumpaang oposisyon ang CA sa pagtatalaga kay Sevilla na kasalukuyang nagsisilbing deputy commander ng AFP Special Operations Command.

Diringgin ng CA panel ang pagtutol ni Hontiveros sa appointment ni Sevilla sa susunod na linggo.

Sa plenary deliberations ng CA, nanumpa si Senate Majority Leader Joel Villanueva bilang chair ng Human Settlements and Urban Development panel at bilang Assistant Majority Leader.

Nanumpa rin bilang mga bagong miyembro ng CA sina Senators Ramon Revilla, Ronald dela Rosa, at Raffy Tulfo.

Pinalitan nila sina Senators JV Ejercito, Nancy Binay, Francis Tolentino, at Imee Marcos. RNT