Manila, Philippines- Dahil tapos na ang filing of candidacy for elective posts para sa Halalan 2025, aware na ang mga kababayan natin kung sino ang puwede nilang manukin sa darating na eleksyon.
Katunayan, masasabing star-studded ang national elections next year dahil marami rin sa political aspirants ay nagmula sa showbiz.
Sa isa namang TikTok video, nagpaliwanag si Ivana Alawi kung bakit hindi siya interesadong tumakbo sa eleksyon.
Kung tutuusin kasi, puwede siyang manalo sa dami ng kanyang subscribers.
Dagdag pa riyan, marami rin naman siyang natutulungan sa kanyang vlog dahil sa pamimigay niya ng ayuda sa madlang pipol.
Gayunpaman, sinabi ng sexy actress at YouTuber na wala siyang alam sa pulitika kaya di niya bet na makigulo pa rito.
“Ang daming nagme-message sa akin recently na, ‘Ivana, tatakbo ka ba?’ And guys, I think it’s the perfect opportunity and the perfect time for me to finally tell you, at sana ibigay ninyo ang buo ninyong suporta sa hindi ko pagtakbo,” aniya.
“Wala akong alam sa politics, wala akong alam sa paggawa ng batas,” dugtong niya.
Hirit pa niya, kung sakali mang magbabalak siyang pumasok sa public service ay paghahandaan niya ito.
“Siguro kung papasok man ako sa ganyan, dapat mag-aral man lang ako ng three to four years—because I don’t want to put our country at risk,” paliwanag niya.
Sey pa niya, puwede raw naman siyang makatulong sa mga kababayan niya kahit wala siya sa pulitika.
“Guys, kayang-kaya nating gawin ‘yon even without being into politics. Hindi mo kailangang maging congressman or mayor or councilor para makatulong ka. We can all help out in our small ways,” deklara niya.
Nagpatutsada rin siya sa ibang naghahangad na mag-serbisyo publiko na mag-aral muna.
“Kung papasok ka sa politics at ipaglalaban mo ang Pilipinas, dapat may utak ka—at dapat may laman ‘yung utak mo,” bulalas niya.
Nagpapaalala rin siya sa publiko na hindi ang popularidad o hitsura ng isang kandidato ang dapat maging batayan sa pagluklok sa kanila sa puwesto.
“Please vote wisely kasi mahal natin ang Pilipinas. I believe aasenso ang Pilipinas as long as we pick the right leaders,” ani Ivana.
“Kung makasarili ka, ‘wag ka na tumakbo,”pahabol niya. Archie Liao