NAGKALOOB ng kabuuang 85 refrigerated drinking fountain units sa iba’t ibang local government units at sa mga paaralan sa loob ng kanilang sinasakop na lugar ng konsesyon ang West Zone concessionaire na Maynilad Water Services, Inc. bilang bahagi sa pagpapalaganap ng pampublikong kalusugan at sanitasyon.
Ang inisyatibang ito ay naglalayong mapahusay ang access sa malinis na inuming tubig sa mga pampublikong lugar, na nagpapatibay sa dedikasyon ng Maynilad Water na suportahan ang kalusugan at kalinisan ng komunidad, lalo na sa mga paaralan at komunidad na higit na nangangailangan nito.
Nailagay na ng Maynilad Water ang unang 33 drinking fountains sa mga pampublikong paaralan sa Quezon City, at may karagdagang 44-unit na ikakabit sa mga susunod na buwan. Ang donasyon ay sumasaklaw rin sa ilang drinking fountains para sa mga LGU ng Caloocan, Valenzuela, at Las Piñas.
Binigyang-diin ni Marie Antonette De Ocampo, head, Corporate Affairs and Communication ng Maynilad Water na ang pagbibigay ng madaling access sa malinis na inuming tubig ay mahalagang hakbang tungo sa pagpapabuti ng pampublikong kalusugan bukod sa malaki ang maitutulong na mabawasan ang paggamit ng single-use plastics dahil maaaring mag-refill ang mga tao ng kanilang mga reusable na lalagyan mula sa drinking fountains.
Sumasalamin ang donasyon sa mas malawak na pangako ng Maynilad Water na pagandahin ang kapakanan ng komunidad at tugunan ang mga isyung pangkalikasan sa pamamagitan ng mga sustenableng gawain. Kasama sa iba pang inisyatiba ang pag-install ng mga rainwater harvesting facilities, ang donasyon ng mga bangka para sa pagkolekta ng basura at mga fire trailer, at ang pamamahagi ng mga bidet sa pamamagitan ng programang “Oplan Balik Eskwela” sa mga paaralan.
Bilang pinakamalaking pribadong water concessionaire sa Pilipinas batay sa dami ng mga customer, ang Maynilad ay nagseserbisyo sa Metropolitan Water and Sewerage System para sa west zone ng Greater Manila Area. Kasama rito ang mga lungsod ng Maynila (maliban sa bahagi ng San Andres at Sta. Ana), Quezon City (kanlurang bahagi ng San Juan River, West Avenue, EDSA, Congressional, Mindanao Avenue, at ang hilagang bahagi mula sa Districts of the Holy Spirit at Batasan Hills), Makati (kanluran ng South Super Highway), Caloocan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Valenzuela, Navotas, at Malabon, gayundin ang mga lungsod ng Cavite, Bacoor, at Imus, kasama ang mga bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario sa lalawigan ng Cavite.






