ISA siguro sa magandang resulta ng nangyayaring talakayan at balitaktakan hinggil sa impeachment ni Vice President Sara Duterte ay ang pagkakaroon ng kaalaman ng marami sa umiiral na batas.
Kahit kasi mga tambay, jeepney driver, sorbetero, barbero, manikurista, barangay tanod, at maging drug addict, ay may kanya-kanyang opinyon sa usapin na kanilang nakakalap sa pagsubaybay sa nangyayaring talakayan kaugnay sa pagkaantala ng impeachment proceedings.
Kaya lang, kumporme sa kanilang paniniwala kung may kasalanan o wala si VP Sara sa mga ibinibintang na katiwalian. Ibinabatay kasi nila sa kanilang paniniwala sa mga naririnig na balitaktakan sa Senado kung saan sila kumukuha ng kaalaman para makilahok sa mga diskusyon sa lansangan.
Noon kasing ipasiya ni Senate President Chiz Escudero na hindi tumugon na aksyunan kaagad ang inihaing impeachment ng Kamara laban kay VP Sara sa katuwiran na naka-recess na ang kongreso at wala na silang oras dahil mangangampanya na ang mga kakandidatong senador, medyo wala pang interes ang mga nasa laylayan ng lipunan dahil mas excited sila sa halalan.
Sigurado kasi na may biyaya sa panahon ng halalan at nakatuon ang marami kaya dedma sa mga lumalabas na batikos noon sa Senado, partikular sa Senate president, sa ginawang pag-aantala na umusad ang impeachment.
Pero ngayong tapos na ang eleksyon at naging mainit na ang usapin hinggil sa impeachment ni VP Sara, dito na nagkaroon ng interes ang marami, lalo na nang iurong ni Senate President Escudero ang presentasyon ng Articles of Impeachment ng Hunyo 11, sa halip na Hunyo 2 na kanya ring itinakda.
Katakot-takot na batikos ang inabot ni Escudero at kung ano-ano ang naging bansag sa kanya tulad ng Lizardo na kontrabida sa pelikulang Panday, ‘melting chiz’ o “natunaw na keso”, “Boy Kilay” dahil sa artipisyal na tattoo ng kilay at iba pa.
Sa araw-araw na lumalabas na balita sa radyo, telebisyon, pahayagan, at social media kaugnay sa mga nangyaring mga talakayan sa Senado, maraming mga ordinaryong mamamayan ang nakikilahok sa pamamagitan ng pagbibigay ng komento sa social media na halaw rin sa kanilang mga naririnig mula sa mga batikang abogado at henyo sa Saligang Batas.
Akala mo ay sa kanila nanggaling ang kaalaman gayung narinig o nabasa lamang nila sa mga balita. Mainam naman dahil kahit papaano ay may natutunan tayo kahit pa nga magkakasalungat ang paniniwala ng magkabilang panig sa nilalaman ng Konstitusyon.
Pero sa totoo lang, kahit ano pang talakayan at palitan ng kaalaman ng mga may alam talaga sa Saligang Batas, hindi naman matutuldukan kung sino ang tama o mali hangga’t hindi ito nareresolba ng mga Mahistrado ng Korte Suprema.






