Home NATIONWIDE Kahalagahan ng experiential tourism binigyang diin ni PBBM

Kahalagahan ng experiential tourism binigyang diin ni PBBM

MANILA, Philippines – BINIGYANG diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan na i-promote ang Filipino native delicacies at cuisines para sa “experiential tourism.”

Ito’y matapos na pangunahan ng Chief Executive ang kick-off celebration ng 2025 Filipino Food Month sa Quezon Provincial Capitol, araw ng Biyernes, Abril 4.

“Mahalaga ang lahat ng ito sa ating isinusulong na tinatawag na experiential tourism. Anong ibig sabihin niyan? Ang nauso ngayon sa pagka-tourist, ayaw naman ng turista na pumunta lang sa ilang lugar, uupo lang sa tabi ng dagat, magbabasa ng libro, walang ginagawa,” ayon sa Pangulo.

“Ngayon, ang gusto ng mga turista, mayroon silang nakikita, mayroon silang nararanasan na masayang ginagawa. At napakalaking halaga na ipakilala natin ang pagkaing Pilipino,” aniya pa rin.

Tinuran pa ni Pangulong Marcos na maiintindihan ng mga foreign travelers ang kultura ng Pilipinas kapag sinubukan nilang kumain ng mga ‘pagkaing pinoy’ sa mga lugar na kanilang binibisita.

Umaasa naman ang Pangulo na susubukan ng mga turista ang sikat na ‘delicacies at cuisines’ sa bansa, kabilang na ang dinengdeng sa Ilocos, sisig sa Pampanga, laing sa Bicol, at lechon sa Cebu.

“Naniniwala po ako sa kasabihan na ang pagkain ay ang pinakamabilis na paraan upang pahalagahan ang ating kultura,” ang sinabi ni Punong Ehekutibo.

Ang national kick-off celebration ay magsisilbi bilang isang launchpad para sa Filipino Food Month 2025, pagtatakda ng direksyon na magbibigay-diin sa malalim na koneksyon sa pagitan ng pagkain, kultura at pambansang pagkakakilanlan.

Samantala, layon ng event na pangalagaan at i- promote ang culinary treasures habang sinusuportahan ang iba’t ibang industirya, mga magsasaka at mga pamayanang agrikultural.

Ang tema ngayong taon ay “Sarap ng Pagkaing Pilipino: Yaman ng ating Kasaysayan, Kultura at Pagkatao” naglalayon na i-promote ang local agricultural products at kilalanin ang mga magsasaka at mangingisda na nagbibigay ng mahahalagang sangkap na na humuhubog ‘culinary heritage’ ng bansa. Kris Jose