Home OPINION KAHANDAAN VS THE BIG ONE, NASAAN?

KAHANDAAN VS THE BIG ONE, NASAAN?

MAYROON bang mga regular na pagsasanay laban sa The Big One o malakas na lindol sa Mega Manila?

The Big One ang lindol na inaasahang maganap anomang oras at araw ngayon at matatagpuan ang mga bitak nito mula Bulacan hanggang sa Laguna at Cavite, kasama ang mga sanga-sanga nito sa kaliwa’t kanan.

Naganap ang huling paggalaw ng bitak ng lupang tinatawag na West Valley Fault noong 1658 o nasa 358 taon na ang nakalilipas.

Dahil nagaganap ang paggalaw nito kada 300-400 taon, posible umanong tatama ang pangyayari sa ating panahon ngayon.

Ang WVF ay bitak umano ng lupa na bunga ng pagbabanggaan ng Eurasian Plate sa norte at kanluran ng Pilipinas at Philippine Plate na nasa timog-silangan ng Eurasian Plate.

Plate ang tawag sa iisang tumpok ng lupa hanggang sa kailaliman ng mundo at magkahiwahiwalay ang mga ito at nagbabanggaan.

Sinasabing may mahigit limang plate sa mundo gaya ng North American Plate, African Plate, Arabian Plate, Indo-Australian Plan, at Eurasian Plate na pinakamalaki sa lahat.

 MAGKASUNOD NA LINDOL SA JAPAN

Tinatalakay natin ang The Big One dahil sa magkasunod na malalakas na lindol na naganap sa Japan.

Nauna ang magnitude 7.1 noong Agosto 8 at naganap ito sa Miyazaki province sa Japan dakong alas-7:00 ng umaga.

Dahil sa lakas nito, nagbabala ang Japan ng tsunami.

Malakas ang lindol dahil nagmula ito sa bitak ng lupa na 30 kilometro ang lalim.

Nitong Agosto 11, may malakas ding lindol na magnitude 6.8 mula sa galaw ng lupa na 490 kilometro ang lalim.

Tumama ito sa Hokkaido, Japan.

Wala namang naiulat na nasaktan at napinsalang ari-arian sa pagtama ng mga nasabing lindol.

THE BIG ONE

Inaasahan ang The Big One na magkakaroon ng magnitude 6-7 hanggang 7.6.

Inaasahang kikitil agad ito ng 30,000-50,000 katao sa Mega Manila na binubuo ng Metro Manila, Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.

Bukod sa mamamatay, maaari umanong 120,000 ang masugatan.

Ito’y dahil may 99 pribadong subdibisyon sa 80 barangay na madaraanan ng mga bitak ng lupa, may 6,331 gusali at may 19 ding eskwelahan.

Maaaring maganap ang lindol sa araw o sa gabi.

Paano kung maganap ang lindol sa araw na may pasok sa gobyerno, pribadong establisimyento, eskwela at habang tumatakbo ang mga tren at may lumalapag na mga eroplano?

Paano kung maganap naman ang lindol sa gabi na nasa kasarapan ng tulog ng mga mamamayan?

Klaro talagang magkakaroon ng matinding pinsala sa buhay at ari-arian, araw man o gabi darating ang lindol.

Nasaan na ang ating mga paghahanda at praktis para makaligtas sa lindol?

Ito ang nakababahalang isa: Hindi lahat ng mga pulis, bumbero at iba pang mga inaasahang responder ay alam kung nasaan ang mga evacuation center.

Kaya dapat may palagiang paghahanda at praktis para sa kaligtasan.