Home OPINION KAHIT BAGONG PANGALAN KUNG SERBISYO PALPAK PA RIN

KAHIT BAGONG PANGALAN KUNG SERBISYO PALPAK PA RIN

1
0

NAKARATING sa kaalaman ng Good Riddance ang pagpalit ng pangalan ng PrimeWater Infrastructure Corp. bilang Hiraya Water Corp., ang kompanyang todong isinusuka ng mga residente ng San Jose del Monte, Bulacan dahil sa umano’y palpak na serbisyo nito, kabaligtaran naman ng sipag nito sa pangongolekta ng bayad.

Sa pagpalit ng pangalan nito na tila gusto lamang pagtakpan ang “kapalpakan” sa serbisyo, agad itong sinalubong ng panibagong kontrobersya matapos umanong magpadala ng copy-paste na abiso sa local water districts at sa paglilipat ng principal office nito habang nagpapatuloy ang labanang-ligal kaugnay ng water operations sa lungsod.

Sa isang liham, ipinaalam ng kompanya na inaprubahan ng Securities and Exchange Commission noong Hunyo 10, 2026 ang pagpapalit ng pangalan nito at ang paglilipat ng principal office mula Las Piñas City patungong Paco, Manila.

Gayunman, ayon sa ilang local water district, ang mga natanggap nilang abiso ay naglalaman pa rin ng pangalang City of Malolos Water District, na tila nagpakikitang kinopya lamang ang isang template nang hindi maayos na napalitan ang detalye.

Ayon mismo sa PrimeWater, pangalan lamang ang nagbago, nanatili ang parehong corporate registration, karapatan, kontrata, obligasyon, assets, at liabilities ng kompanya.

Dahil dito, iginiit ng mga kritiko na hindi rin mabubura ng Hiraya ang rekord ng PrimeWater sa matagal na water interruptions, mahinang pressure, kwestiyonableng billing, at napabayaang mga pasilidad.

Gayunman, nagpatuloy ang kompanya sa paghahain ng mga kaso sa Las Piñas-Regional Trial Court upang pigilan ang mga hakbang ng pamahalaang lungsod sa pansamantalang pamamahala ng suplay ng tubig katuwang ang local water district.

Isang petisyon para sa temporary restraining order ng PrimeWater sa Las Piñas RTC ang ibinasura noong Hunyo 2. Naghain ito ng panibagong kaso na napunta sa Branch 253, na nagkaloob ng injunctive relief noong Hunyo 8 na halos isang buwan matapos aprubahan ng board ng kompanya ang paglipat ng opisina nito sa Maynila.

Dahil dito, hinihingan ang kompanya ng malinaw na paliwanag kung isiniwalat nito sa korte ang board-approved transfer ng principal office at kung bakit Las Piñas pa rin ang pinili nitong venue.

Para sa mga kritiko, hindi sapat ang bagong pangalan at pangakong “renewed sense of hope.”

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here