MAGSISIYASAT daw ang Office of the Ombudsman sa mga anomalya sa flood control projects sa Davao City na balwarte ng mga Duterte dahil ang lungsod umano ang tinatawag na “epicenter” ng pagbaha sa bansa.
Inayudahan naman ito ni Malacanang spokesperson Usec. Claire Castro at sinabi sa harap ng media na kitang-kita naman daw ang malawak na pagbaha sa Davao City.
Naghagalpakan sa tawa ang marami nating kababayan, lalo ang mga residente ng lungsod sa tinuran nina Remulla at Castro.
Ilang vlogger ang naglabas ng real time video na nagpapakita na maaliwalas ang panahon, maluwag ang kalsada, tuloy-tuloy ang daloy ng mga sasakyan at mga negosyo dahil walang namang pagbaha sa nasabing lugar.
Habang maayos o maaliwalas ang panahon sa Davao City, mistula namang dagat ang maraming bahagi ng Luzon matapos lumubog sa baha dulot ng hagupit ng habagat.
Maraming buhay ang nawala at nawasak na bahay. Galit na galit ang mga tao sa gobyerno.
Sadyang matatawa ka sa dalawang ito na mga bata ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sapagkat alam nating ginagawa nila ito para “pagtakpan” ang kapalpakan ng kanilang amo para makontrol ang pagbaha, partikular sa Metro Manila at Central Luzon.
At alam nating ang pagbaha ay resulta ng ginawang pagnanakaw ng mga nasa ahensya ng gobyerno at pulitiko sa pondo ng flood control.
Hindi pumayag ang kalikasan at ang Poong Maykapal na magpatuloy ang mga taong gobyerno na makakapal ang mga pagmumukha sa kanilang kabulastugan.
Nakalulungkot man sapagkat marami tayong kababayang nagdusa, ang kalikasan na ang kanilang naging kalaban at naglantad sa kanilang mga kasinungalingan. Hayst!
Matapos natin makita ang nangyaring nakahihilakbot na trahedya sa Nepal, mas nakapag-aalala ang mga susunod na magaganap sa Pilipinas dahil sa kainutilan ng mga nasa pamahalaan ni Marcos.
Posibleng ito ay mas malalakas pang bagyo, epidemya, malakas na lindol o kaya naman ay giyera? Hindi natin alam dahil walang makapagsasabi.
Kaawaan tayo ng Poong Maykapal! Lord patawad po!






