AYON sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, karaniwang nagsisimula ang habagat sa Hulyo at nagtatapos sa kalagitnaan ng Oktubre.
Pinakamalakas ang habagat sa Hulyo-Agosto gaya ng nararanasan ngayon ngunit nagpapatuloy ito sa Setyembre at kalahati ng Oktubre at makaraan nito, nagsisimula na rin ang amihan patungo sa tag-init.
MAGANDA, MASAMANG BALITA SA DAM
Ayon pa rin sa PAGASA, dahil sa habagat, puno na ang mga Ambuklao Dam at Binga Dam sa Benguet at nagbabawas na ng tubig.
Ang La Mesa Dam at Ipo Dam sa Quezon City, puno na rin.
Ang Magat Dam sa Isabela, normal ang lebel ng tubig nito habang ang Pantabangan Dam ay kailangan pang may 40 metrong pagtaas bago maging normal ang water level nito.
Ang San Roque Dam sa Pangasinan, kailangan ding magkaroon ng 40 metrong pagtaas ng tubig at katulad nito ang sitwasyon ng Angat Dam sa Bulacan.
Magandang balita sa mga dam na puno tubig ang katiyakan ng suplay ng tubig para sa inumin at pagsasaka.
Hindi naman magandang balita sa lahat ang kakulangan ng tubig sa mga dam.
Partikular sa Mega Manila, kasama ang Bulacan, Rizal at Cavite, hindi pa rin maganda ang suplay ng tubig at sana’y magtuloy-tuloy ang pag-ulan para magkalaman nang sapat ang Angat Dam bagaman baha namang katakot-takot ang dala ng konektado rito na Ipo Dam at La Mesa Dam na punuan na.
NANININGIL ANG KALIKASAN, MAMAMAYAN
Dahil naman sa mga pagbaha at pag-landslide, nauugnay man sa mga dam o wala, napiperwisyo ngayon lahat dahil sa mga korap sa flood control projects at sa mga nagtatakip sa kanila na mga mambabatas at taga-Palasyo.
Klarong naniningil na ang kalikasan sa mga korap at hindi nila maiiwasang maningil din sa kanila ang taumbayan.
Naniningil ang taumbayan dahil sila ang natatamaan sa mga baha at landslide na hindi sana magaganap kung wala ang mga korap at nagtatakip sa kanila.
Kung hindi man mapigilan ang ngitngit ng kalikasan, kahit papaano, nababawasan sana nang malaki ang mga kamatayan, gutom, paghihirap, kasiraan at pagkakasakit na dinaranas ng mga mamamayan.
LAHAT PANAGUTIN, HUWAG PULITIKAHIN
Habang may baha at landslide kahit saan na ikinanganganib ng buhay at ari-arian ng milyon-milyong mamamayan, hindi dapat tumigil ang mga kinauukulan sa paghahanap sa mga korap na dahilan ng mga sakunang nabanggit.
Isa sa mga dapat na bigyan ng puwang para mapanagot ang mga korap ang pagkalkal sa nasa 167 mambabatas na sinasabi ni Curlee Discaya na nangikbak sa kanilang mag-asawa sa mga proyektong kontra baha at iba pang mga proyekto.
Bagaman nabawasan na ang ex-Marines na nagbunyag ng korapsyon ng ilang mambabatas at taga-Palasyo, dapat ding aksyunan ang katotohanan ng kanilang hinaing.
Hindi rin basta kalimutan ang mga sinasabi nina Navotas Congressman Toby Tiangco, Batangas Cong. Leandro Leviste at Baguio City Mayor Benjamin Magalong na mga korap din sa flood control scam.
Hindi dapat na ang mga kritiko ng administrasyon at kontraktor lang ang mademanda, makulong at masingilan ng nakaw o kinikbak na salaping bayan.






