Home NATIONWIDE Kandidato maaaring madiskwalipika Kahit walang final judgment ng conviction – Comelec

Kandidato maaaring madiskwalipika Kahit walang final judgment ng conviction – Comelec

MANILA, Philippines – Maaaring mag-diskwalipika ng kandidato ang Commission on Elections (Comelec) kahit walang final judgement of conviction.

Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na kapag ang isang tao na nagpa-file ng kandidatura, merong findings ang komisyon tungkol sa mga nakasaad na election offenses sa Section 68 , pupwede aniya nilang idiskwalipika kahit walang final judgement of conviction.

Ang pahayag ng Comelec ay kasunod ng natuklasan sa pagkatao ni Bamban Mayor Alice Guo kung saan nagsinungaling ito at nagpanggap na isang Filipino citizen sa kanyang pagtakbo noong 2022.

“Kahit walang complainant. Meron kaming motu proprio power kasi nga po’y election offense to. lalo pa’t violation ng umiiral nating batas, at Ito’y isang kasong kriminal. May three to six years imprisonment po ito,” giit niya.

Ayon kay Garcia, ang paghahain ng karagdagang kaso laban kay Guo ay isasagawa sa Oktubre 1-8 -panahon ng COC filing.

Habang ang layunin ng imbestigasyon ng Senado ay para sa batas, ang target ng Comelec, ani Garcia, ay para sa pag-uusig.

Samantala, gagawin pa rin ang “ministerial duty” nito at tatanggapin ang kanyang COC kung maghain siya para muling mahalal bilang alkalde ng Bamban, ani Garcia.

Mangyayari din ito sa mga aspirants na nahaharap sa ibat-ibang isyu sa kanilang candidacy o qualifications.

Ang mga botante, sa kabilang banda, ay maaari ding magsampa ng disqualification case laban sa sinumang kandidato, ani Garcia.

Ngunit sa pagkakataong ito, aniya, tutugunan ng komisyon ang kaso ni Guo.

“Yung material misrepresentation na tinatawag na ground para i-cancel ang kandidatura ng isang kandidato, ay kasong kriminal na yan eh. Kapag po may findings ang Komisyon na tinatanggal ang isang kandidato ay sa pagsisinungaling, dahil under oath pa rin po sya… therefore, kung mangyayari po yan sa isang kandidato, dalawa po ang kanyang kakaharapin. Kasong kriminal at saka kasong cancellation ng kanyang candidacy,” paliwanag ni Garcia.

Sinabi ni Garcia na matatapos ng Comelec ang pagdinig sa kasong diskwalipikasyon laban sa mga kandidato kahit sa division level bago ang target date para sa pag-imprenta ng balota.

Tiniyak ng poll chief sa publiko na ipraprayoridad nila ang pagresolba sa posibleng kaso ni Guo at ganoon din sa iba pang magiging kandidato na tatanungin ang mga kwalipikasyon.

Nilinaw naman ni Garcia na ang pagtanggal sa sinumang nanunungkulan na opisyal ay maaari lamang mangyari kung ang Office of the Ombudsman o ang Department of Interior and Local Government ay pabor sa isang administrative charge laban sa opisyal.

Gayunpaman, ang desisyon ay maaari pa ring iapela sa Court of Appeals, ani Garcia.

Hindi rin maaalis agad si Guo sa Voter’s List nang walang pinal na desisyon ng korte na nagsasaad ng kanyang pagkakasala, dagdag ni Garcia.

At kung sakaling maipasa ang removal order , ang nakaupong bise alkalde ay agad na manumpa sa kanyang tungkulin at uupo sa mas mataas na posisyon bilang bahagi ng “rule of succession.”

Ang desisyon ng Ombudsman sa mga usaping pang-administratibo, gayunpaman, ay maaari pa ring itaas sa Court of Appeals, ani Garcia.

Samantala, hinikayat ng Comelec ang Kongreso na bigyang kapangyarihan ang komisyon na magpataw ng karagdagang mga kinakailangan sa mga political aspirants para talagang masuri nila ang mga kwalipikasyon ng lahat, ani Garcia. Jocelyn Tabangcura-Domenden