
NAGPALABAS ng babala ang Commission on Elections (COMELEC) sa mga ahensya ng pamahalaan at mga kandidato ngayong eleksyon na lumabag sa “Ayuda Ban” o pagbabawal sa pamamahagi ng ayuda o tulong simula kahapon (Mayo 2) hanggang Mayo 12, 2025, o sa loob ng 10 araw sa mga nabanggit na petsa.
Ang ayuda ay tumutukoy sa mga anyo ng pinansyal na tulong na ibinibigay ng pamahalaan.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, saklaw ng 10 araw na pagbabawal ang pagbibigay ng assistance to individuals in crisis situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa ating Disadvantaged o Displaced workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at ang kontrobersyal na Ayuda para sa kapos ang kita program (AKAP). Ito ay mga programang pinatatakbo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE).
Pero pinapayagan pa rin magbigay ng tulong para sa medikal na pangangailangan katulad ng hospitalisasyon at may kaugnayan sa paglilibing.
Matatandaan na binigyan ng comelec ng exemption ang ilang programa ng AYUDA sa spending ban ngunit kaagad namang sinabi nito na ipagbabawal ang pamamahagi ng ayuda sa loob ng 10 araw bago ang eleksyon.
Babala ni Chairperson Garcia, sasampahan ng kaso ang mga magbibigay o magpapatupad at mamahagi ng mga ayuda mula May 2 hanggang May 12, 2025.
Ayon sa batas pambansa bilang 881 o ang “Omnibus Election Code,” ang paglabag sa mga ipinagbabawal ay itinuturing na election offense, na may kaparusahang pagkakakulong ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa anim na taon, bukod pa sa iba pang mga parusang itinakda ng batas.
Inaprubahan naman ng COMELEC ang exemption ng PHP 20.00 per kilo rice project ng Department of Agriculture ngunit kinakailangang kumuha ng hiwalay na certificate of exemption ang mga magpapatupad na local government offices.
Siniseguro lamang ng komisyon na magiging patas ang kampanya sa lahat ng kandidato, naka-posisyon man o challenger.