Home OPINION KAPAG WALA KANG MASASAKYAN, PAANO?

KAPAG WALA KANG MASASAKYAN, PAANO?

MARAMI ang nangangamba na lalong magkandaloko-loko ang buhay-mananakay o pasahero pagdating ng katapusan ng buwang ito dahil sa deadline ng konsolidasyon o pagsasama-sama ng mga tsuper at operator ng mga tradisyunal na jeepney bilang kooperatiba o korporasyon.

Manghuhuli na ang mga pulis, Metro Manila Development Authority, Land Transportation Franchising Regulatory Board, Land Transportation Office, traffic enforcer at iba pa ng mga hindi nag-consolidate.

Ituturing nang kolorum ang mga hindi nakapag-consolidate at sila’y paghuhulihin at iiimpound.

Sabi nila, nasa 30 porsyento ang hindi nakapag-consolidate.

Ibig sabihin niyan, mababawasan ang masasakyan ng mga mamamayan at maaaring maganap ang pagka-stranded ng mga mananakay.

At hindi biro-biro kapag stranded ka sa pagpasok sa iyong trabaho, pagbiyahe para sa negosyo, pagpunta sa mga paliparan, pagtakbo sa mga ospital o pagpapadoktor at marami pang iba.

Isa pang lilikhain ng kakulangan ng transportasyon ang sapilitang paggastos ng malalaki ng mga mananakay gaya ng pagsakay sa mga motorcycle taxi, taxi at upahang sasakyan tulad ng TNVS.

Mahal din ang pag-upa ng mga traysikel papunta sa dapat puntahan.

Ang kakarampot na sahod o kita sa ibang paraan, nanakawin ng pamasahe at mababawasan ang mga pambili ng pagkain, pambayad ng upa sa bahay, tubig at kuryente, panggastos sa pag-aaral at baon ng mga bata, pambili ng gamot at iba pa.

Kapag hindi mapunuan ng gobyerno ang kakulangan ng mga masasakyan, impiyerno ang magaganap sa mga lansangan, sa loob ng mga tahanan at pagbiyahe.

HINDI HUHULIHIN

Pero alam ba ninyong pupwede pa ring magbiyahe ang mga tradisyunal na jeepney, basta nakapag-consolidate na sila?

‘Yan ang pag-unawa ng mga walang modern jeep na nakapag-consolidate.

Mukhang may gentleman’s agreement sa pagitan ng mga awtoridad at mga operator at tsuper.

Sabi ng ating Uzi, naniniwala ang mga nakapag-consolidate na hindi sila huhulihin basta may target silang magkaroon ng modern jeep sa takdang panahon sa hinaharap.

Kung totoo ito, ito ang pag-asa ng mga mananakay na hindi pa rin sila mahihirapan sa pagsakay saanman sila pupunta.

Sabi ng mga grupo, sa susunod na taon pa sila bibili ng isa o dalawang modern jeepney para malaman kung paano sila kikita rito.

Duda kasi sila kung kikita sila sa modern jeep dahil nagkakahalaga ang mga ito ng nasa P2 milyon o higit pa bawat unit.

PAPALITAN NG TRAYSIKEL

Kapag kinulang ang mga jeepney, naririyan naman ang mga traysikel na de-gasolina o electric.

At ang mangyayari?

Ang sabi, paghuhulihin na rin sila sa mga pangunahing kalsada.

Ano nga ang mangyayari sa ganyang sitwasyon?

Lalo na sa mga lugar na wala namang maayos na kalsada para sa mga ito at ang mga pangunahing kalsasa o haywey lang sila pupwedeng dumaan.

Walang gaanong makatitiyak talaga, mga Bro, sa mga maaaring mangyari pagkatapos ng pababawas ng maraming jeepney sa mga lansangan.

Ang isang tiyak, may magagalit mismo sa gobyerno at walang nakatitiyak kung paano pahupain ng gobyerno ang galit ng mga mabibiktima.