
KALIWA’T kanan ang mga nababalitang karahasan sa bansa sa kasalukuyan.
Buhat nang mag-umpisa ang “election period”, sunod-sunod na rin ang kriminalidad. Hindi naman lahat ay may kinalaman sa halalan, subalit ang krimen ay napakalubha. Mantakin n’yo, umiiral pa ang gun ban n’yan, ha?
Sa pagitan ng Feb. 28 at March 26 lamang, walo ang pinaslang sa lalawigan ng Abra. Ang huling biktima ay ang high school teacher na si Odilon Peria at dentista na si Francisco Beria Jr. Pinagbabaril sila noong gabi ng March 26 sa coffee shop sa Bangued, ang kapital ng Abra.
Nangyari ito, isang araw nang patayin din ang driver ng mayoral candidate sa Bangued. Si Juanito Gammong ay papasok sa kanyang bahay na tinutuluyan nang sundan siya at pagbabarilin ng hindi kilalang salarin.
Alam n’yo na rin marahil ang nangyari sa Bobo-Boso, Antipolo City. Isang driver ng SUV ang namaril na ikinamatay ng isang motorcycle rider at ikinasugat ng tatlo pa, kabilang ang kanyang asawa.
Nagkagitgitan daw sa kalsada ang SUV driver at mga motorcycle rider na nauwi sa pagtatalo at malagim na pamamaril. Nahuli agad ang suspek ng mga alertong pulis habang patakas.
Nagtrending ang nasabing krimen nang makuhanan ng video ng netizens at nai-post sa social media. Marami pang karahasan na nakukuhanan ng video ng netizens at napapanood na lang taumbayan sa social media. Karamihan sa nangyayaring patayan ay natatakasan ng mga salarin.
Sa kabila ng mga nakapangangambang mga karahasang ito, ipinagyabang ni Philippine National Police chief PGen. Rommel Marbil na bumaba raw ang krimen sa bansa. Kasabay nito, sinabi niya na ang social media lamang daw ang nagpapalala ng “impresyon” na mataas ang antas ng krimen sa bansa.
Anak ng teteng! Ang social media pa ang kanyang sinisi gayong ito ang aktuwal na nakatutulong para malaman ng mga tao ang nangyayari sa kapaligiran.
Ang social media ang nakatutulong para malaman kung “natutulog sa pansitan” ang mga pulis.
Kundi sa tulong ng alertong netizens, nakatakas marahil ang namaril na SUV driver at hindi nahabol ng mga pulis. Marami pang krimen na naresolba sa tulong ng camera ng netizens na nai-post sa social media. Sa tulong ng social media ay nagkakaroon sila ng “lead” laban sa mga salarin.
Bakit sinisisi ni Marbil sa netizens o social media ang paglala ng krimen habang wala siyang ginagawa para pukpukin sa ulo ang mga tauhan niyang “natutulog sa pansitan”?