
UMIIKOT tayo sa napakaraming lugar at lumalabas na walang Comelec-Comelec sa usaping tamang lugar kung saan magdikit, magsabit at magpako ng mga campaign paraphernalia.
Mayroon lang ilang malinaw na iniiwasan ng mga politiko: Bakod at gusali ng mga eskwela, ospital, barangay hall, munisipyo at city hall.
Pero mangilan-ngilan lang ang mga ito.
Pero lahat ibang bakod, puno, poste ng kuryente, poste, bakanteng lote, sandamakmak ang mga campaign paraphernalia.
Meron na ngang natatakpan o nagtatanggal ng mga campaign paraphernalia para ipuwesto ang iba dahil naubos na ang mga espasyo.
Napansin naman nating marami ang nagrorondang pulis at sundalo, dumaraang opisyal ng pamahalaan at iba pa na dapat tumulong sa Commission on Elections sa pagtanggal sa mga paraphernalia sa mga hindi designated area, pero dedma ang mga ito.
Hindi mo naman maaasahan ang mga kapitan, kagawad, barangay tanod, sangguniang kabataan officers at members dahil kasama na sila sa kampanya.
Ang mga magta-traysikel naman, tuwang-tuwa dahil may mga libre nang pinagkukunan nila ng mga pantakip sa mga dapat takpan na parte ng kanilang sasakyan.
May nakita rin tayong mga bahay-bahay o kulungan ng mga manok, aso at baboy na may mga tarpaulin ng mga kandidato.
Pambubong, pandinding at pintuan ng mga bahay, kulungan ang mga tarpaulin.
Lahat, mula senador hanggang sa mga kongresman at lokal na opisyal, pawang mga violator.
Lahat ng kandidato hindi nagpapahuli sa pagsasabit, pagpapako at pagkakabit ng kani-kanilang mga paraphernalia.
Nahihilo at nalilito ka na nga kung sino-sino ang mga dapat mong iboto dahil dikit-dikit at patong-patong ang mga paraphernalia.
Lalo na kung hindi mo nakikita nang personal ang mga kandidato dahil ang popogi at ang gaganda ang mga larawan nila.
Sabi ni Comelec Chairman George Garcia, kakasuhan nila ng mga paglabag sa election law ang mga suwail o hindi sumusunod sa patakaran sa campaign paraphernalia.
Pero kung isagawa nito ang pagkakaso, sinong politiko ang matitira?