Home OPINION THE BIG ONE, PAANO KUNG GABI AATAKE?

THE BIG ONE, PAANO KUNG GABI AATAKE?

MAHALAGA ba ang araw o gabi sa paghahanda laban sa lindol?

Kung mahalaga, paano ba naghahanda, partikular ang pamahalaan?

Kung araw, malamang kasi na halos lahat ng tao ay makagawa ng paraan para mailigtas ang kanilang mga sarili.

Alam nila, kahit mga bata, kung saan sila pupunta.

Kung gabi at naghahari ang dilim at mawala ang mga ilaw kahit saan, paano?

KUNG ARAW

Kitang-kita sa karanasan sa Myanmar-Thailand ang ginagawa ng mga tao kung may lindol sa araw.

Naganap ang lindol doon dakong 12:50 ng tanghali at nasa Magnitude 7.7.

Sa unang galaw pa lamang ng lindol, nagtatakbuhan na palabas ng mga gusali ang mga tao.

Nang sumasayaw at gumuho kalaunan ang 33 palapag na Auditor’s Office sa Bangkok, Thailand, huminto ang lahat ng mga sasakyan.

Matapos nito at makaraan ang sumunod na aftershocks, makikita na ang mga tao na nagtatakbuhan upang tumulong sa mga nakikita nilang nangangailangan ng tulong.

Halos ganito rin ang naganap noong Hulyo 16, 1990 nang mangyari ang Magnitude 7.8 sa Baguio City at Cabanatuan City.

Dakong alas-4:26 ng hapon nang maganap iyon.

Nang gumuho ang Christian College of the Philippines sa Cabanatuan, Nueva Ecija, unang rumesponde ang mga tao sa pagsagip sa mga estudyante ngunit namatay pa rin ang nasa 100 estudyante.

Mabilis din umalalay ang mga mamamayan sa Baguio City sa mga nasugatan sa loob at labas ng mga gusaling natumba o gumuho.

Hindi lang ang mga ambulansya, bumbero, pulis, sundalo, kapitan, kagawad at tanod ang mga sumaklolo kundi libo-libong mamamayan.

Gayunman, ilang libo pa rin ang nasawi na umabot sa mahigit 2,500 sa dalawang lugar.

Nang magkalindol sa Sumatra, Indonesia, Magnitude 9.2, dakong pasado alas-7:20 ng umaga noong Disyembre 26, 2004, gising na rin ang mga tao at natural na nagtulong-tulong ang lahat para iligtas ang mga pupwedeng iligtas.

Magkagayunman, walang nagawa ang mga nasa tabing dagat sa 30 metrong taas na tsunami o alon na nilikha ng lindol at nilamon ang lahat ng mga nasa paligid hanggang sa umabot ang alon sa Thailand at Myanmar.

Mahigit 250,000 ang nasawi noon sa Indonesio, Myanmar, Thailand at iba pa.

KUNG GABI

Tulog pa halos lahat ng tao dakong alas 4:17 ng madaling araw sa Turkey at Syria nang maganap ang Magnitude 7.7 ding lindol noong February 6, 2023.

Namatay sa Turkey ang 53,537, nasugatan ang 121,704 at missing ang 140.

Sa Syria, namatay ang 8,476 at nasugatan ang 14,500.

Nasa loob ng mga bahay o anomang istruktura, kasama ang matataas ng gusaling residensyal, ang halos lahat ng tao dahil mga oras ng pagtulog iyon.

Hindi na sila nakatakbo o nakalundag palabas sa mga bahay at istruktura at nahukay silang patay.

May mga nakalabas naman at tumulong ngunit napakahirap ang kumilos sa gitna ng dilim.

PAGHANDAAN ANG GABI NG LAGIM

Nasaan nga pala ang paghahanda, lalo na ang pamahalaan, kung maganap ang malakas na lindol, gaya ng inaaasahang The Big One para sa Bulacan, Metro Manila, Rizal, Laguna at Cavite, lalo na kung gabi?