Home METRO Kawani ng Zambo Sur provincial gov’t, tigok sa kainuman

Kawani ng Zambo Sur provincial gov’t, tigok sa kainuman

VINCENZO SAGUN, Zamboanga del Sur — Nasawi ang isang kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Zamboanga del Sur matapos pagbabarilin ng kainuman sa isang beach resort sa Barangay Ambulon nitong Huwebes, Hunyo 19.

Kinilala ang biktima na si Jesreel Gaspar Himang, 40-anyos, provincial public information officer. Arestado naman agad ang 29-anyos na suspek na taga-Midsalip, Zamboanga del Sur, ayon sa pulisya.

Batay sa ulat ng Police Regional Office 9, nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng dalawa habang nag-iinuman sa resort. Sa gitna ng komprontasyon, bigla umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima, na nasawi noon din.

Ayon kay Police Major Shellamie Chang, agad na rumesponde ang mga pulis at nahuli ang suspek bago ito makalayo.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na motibo ng krimen. Mary Anne Sapico