VALENZUELA CITY — Naaresto ng pulisya ang isang 41-anyos na lalaki na matagal nang pinaghahanap sa kasong carnapping sa ikinasang manhunt operation sa Barangay Mapulang Lupa, Sabado ng gabi.
Kinilala ang suspek sa alyas “Juan,” na dinakip sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa R.A. 10883 o New Anti-Carnapping Act of 2016, na inisyu ng Valenzuela City RTC Branch 171 noong Agosto 31, 2023.
Ayon kay P/Col. Gerson Bisayas, OIC ng Valenzuela Police, ikinasa ang operasyon matapos matukoy ang kinaroroonan ng suspek. Gumamit ang mga operatiba ng Station Intelligence Section ng body-worn camera (BWC) bilang bahagi ng transparency at pagsunod sa tamang proseso.
Pinuri ni NPD Acting District Director P/BGen. Arnold Abad ang matagumpay na operasyon at muling iginiit ang determinasyon ng pulisya na tugisin ang mga may kasong kriminal upang mapanatili ang kaayusan sa lungsod. Merly Duero