PANGASINAN – Arestado ang isang 35-anyos na lalaki matapos na aksidenteng makabangga ng isang menor de edad at makumpiskahan ng mga otoridad ng tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa Dagupan City ng lalawigang ito kagabi, Abril 22.
Ayon sa Dagupan City Police Station, ang suspek ay residente ng Mangaldan, Pangasinan samantalang ang menor de edad na nabangga ng suspek ay residente naman ng Brgy. Tambac, District, Dagupan City.
Sa imbestigasyon, ang suspek na nakasakay ng Yamaha Mio 125 ay bumibiyahe mula kanluran pa-silangan sa national highway sa Brgy. Tambac ng naturang lungsod papuntang bayan ng Mangaldan nang mabangga nito ang menor de edad na tumatawid ng kalsada.
Nabatid na ang menor de edad ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan dahil sa insidente at naka-confine ngayon sa R1MC Hospital.
Dahil sa naturang aksidente ay rumesponde ang mga tauhan ng Dagupan CPS na nagresulta sa pagkakadiskubre nila sa tatlong heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu mula sa suspek.
Tinatayang tumitimbang ng 3.2 gramo at nagkakahalaga ng P21,760.00 ang narekober na hinihinalang shabu mula sa suspek.
Bukod sa hinihinalang shabu, may mga nakumpiska rin na non-drug evidence. Rolando S. Gamoso