MANILA, Philippines -TINIYAK ng Malakanyang na hindi tutulugan ng gobyerno ang pagdukot at pagpatay kay Filipino-Chinese businessman Anson Que.
Sa ulat, natagpuan umanong patay ang Filipino-Chinese businessman na si Anson Que kasama ang kaniyang driver sa Rodriguez, Rizal.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang pangako ng gobyerno ay aaksyunan ang kaso, matapos na magpahayag ang Filipino-Chinese community nang pagka-alarma sa kamakailan lamang na kidnapping.
“Patuloy po ang pag-iimbestiga po dito. Hindi po ito tutulugan ng gobyerno. Ang lahat po na nagaganap dito ay pinagbilin po ng Pangulo na dapat imbestigahang mabuti para po ma-lessen o ma-eradicate ang mga ganitong klaseng krimen dito sa Pilipinas,” ang sinabi ni Castro.
Sa katunayan aniya, pinagana na ang Special Investigation Task Group para hawakan ang nasabing high-profile case.
Sa ulat, natagpuan ng mga pulis ang bangkay Que at driver nito, may-ari ng Elison Steel, sa isang bayan sa Rizal.
Base sa social media post ni Ramon Tulfo noong Miyerkules, Abril 9, nag-ransom na may kabuuang ₱160 milyon ang pamilya ni Filipino-Chinese businessman Anson Que, ngunit pinatay pa rin ang biktima.
Ibinalita niya ang tungkol sa pagpatay kay Que kasama ang driver nito. Natagpuan aniya ang bangkay ng dalawang biktima sa Rizal.
Kaugnay nito, ayon umano sa kaniyang “reliable sources” ay nagbayad ang pamilya ni Que ng paunang ₱60 milyon at ₱100 milyon naman ang sumunod.
“Sa aking nakalap na balita sa mga reliable sources, nagbayad ang pamilya ng biktima ng PhP60 million ransom ng pauna at PhP100 million ng pangalawa. Pero pinaslang pa rin si Que kasama ang kanyang driver,” ani Tulfo.
Samantala, kinumpirma ni Filipino-Chinese civic leader Teresita Ang-See ang nangyari kay Que at sa driver nito, ayon sa ulat ng ABS-CBN News.
Kaugnay nito, ikinababahala ni Dr. Cecilio Pedro, dating presidente ng Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII), ang mga kaso ng kidnapping sa mga kapwa niyang negosyante rito sa bansa.
Sa Pandesal Forum noong Abril 8, ibinahagi niya ang bilang ng mga kaso ng kidnapping sa mga Chinese. Kris Jose