MANILA, Philippines – WALANG dapat na ipag-alala ang publiko sa pagdurugo ng gilagid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Napansin kasi ng mga netizens ang pagdurugo ng ibabang bahagi ng bibig ng Pangulo habang nagtatalumpati siya sa paggunita ng Araw ng Kagitingan, araw ng Miyerkules, Abril 9.
Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na wala siyang nakikitang mali sa kalusugan ng Pangulo nang magkaroon sila ng pagpupulong, Huwebes ng umaga.
“Nothing to worry about.. We just had a meeting this morning.. I don’t see anything wrong with his health,” ang sinabi ni Castro sa text message.
Sa ulat, ayon sa mga nakapanood sa pagtatalumpati ng Pangulo na umere sa RTVM o Radio Television Malacañang, sa simulang bahagi nito ay wala naman silang napansing parang mapulang liquid sa kanyang ngipin, labi at gilagid.
Subalit, sa gitnang bahagi ng pagsasalita ng Chief Executive ay mapapansin nga ang tila dugo sa lower part ng kanyang bibig. Ayon sa mga netizens, feeling nila ay nagkaroon ng pagdurugo ang mga labi o gilagid ng presidente. Kris Jose