MANILA, Philippines- Sumuko ang live-in partner ng babaeng doktor na natagpuang patay sa isang nakaparadang kotse sa Naga City sa National Bureau of Investigation (NBI), ayon sa ulat nitong Huwebes.
Tinukoy ang lalaki na person of interest sa pagkamatay ni Dr. Rajean Monnette Romualdez.
Batay sa ulat, kasama ng lalaki ang mga kapamilya nito nang sumuko sa mga awtoridad. Isinailalim siya sa kustodiya ng NBI – Bicol sa gitna ng gumugulong na imbestigasyon.
Humarap sa media ang kinakasama ni Romualdez subalit tumangging magbigay ng pahayag, sinabing hinihintay pa niya ang kanyang abogado.
Nitong Linggo, natagpuan ang bangkay ni Romualdez sa loob ng isang nakaparadang sasakyan sa isang residential village sa Barangay Concepcion Pequeña malapit sa Bicol Medical Center, base sa mga pulis.
Nagtamo ang 36-anyos na obstetrician-gynecologist, residente ng Metro Manila, ng tama ng baril sa kanyang ulo.
Base sa ulat, ang kinakasama ni Romualdez ang huli niyang kinatagpo bago siya mamatay. RNT/SA