Home HOME BANNER STORY KOJC humiling sa Davao LGU, drilling sa loob ng compound itigil na

KOJC humiling sa Davao LGU, drilling sa loob ng compound itigil na

MANILA, Philippines – Humiling ang Kingdom of Jesus Christ nitong Huwebes, Agosto 29 sa Davao City Engineering Office na pahintuin ang umano’y drilling na ginagawa ng mga pulis para hanapin ang religious leader na si Apollo Quiboloy sa loob ng kanilang compound.

Sa ulat, pumasok ang mga pulis sa 30 ektaryang KOJC compound at may dalang iba’t ibang kagamitan.

“Based dun nade-detect nung device na heartbeat, magsasabi na meron underground facility,” sinabi ni Police Major Catherine Dela Rey, spokesperson ng Police Regional Office 11.

Samantala, iginiit ng abogado ni Quiboloy na si Israelito Torreon, na ang Davao Regional Trial Court (RTC) Branch 15 ay nag-isyu ng temporary protection order (TPO) pabor sa KOJC.

“The issuance of TPO was precisely done to eliminate PNP’s restriction and control of the premises, their presence here, kasi sa tingin namin na-serve na yung warrant of arrest wala si Pastor Apollo Quiboloy rito,” ani Torreon.

Nilinaw naman ng Davao RTC na hindi pinipigilan ng TPO na isagawa ang operasyon ng pulisya sa KOJC compound at sa pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Quiboloy at iba pa.

Matatandaan na nagkaroon ng tensyon matapos na magpasok ang mga pulis ng isang “blue box” sa loob ng compound.

Nagprotesta ang mga miyembro ng KOJC laban sa hakbang na ito at sinabing hindi sumailalim sa X-ray scanner ang naturang kahon. RNT/JGC