MANILA, Philippines – Nadiskubre ng mga awtoridad ang mga secret hallway sa loob ng cathedral ng Kingdom of Jesus Christ sa Davao City kasabay ng paghahanap sa kanilang puganteng lider na si Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa mga reklamong kriminal.
Ito ang ibinahagi ni Interior Secretary Benhur Abalos kugn saan ang mga daanan ay patungo sa kwarto ni Quiboloy.
Nagpahiram pa umano sa pag-aresto kay Quiboloy ang ‘intricate design’ ng istruktura.
“Napakahirap sa totoo lang. In fact, kinukuha natin ang plano mismo nito sa office ng engineering ng city ng Davao kung ito ay nakadeklara o hindi,” ani Abalos.
“Kasi kung hindi nakadeklara ito, it’s a violation. Kapag hindi naka-deklara lahat ng intricate things na ginawa at binuo na puwedeng pagtaguan,” dagdag pa niya.
Napaulat na ginamitan din umano ng laser light ang mga pulis at may mga nakita pang bolo knife sa buhanginan, at mga bakod na may live wire.
May naitala rin umanong mga heartbeat sa ilalim ng lupa gamit ang ground penetrating radar.
“Marami na tayong napuntahan without revealing the exact location, but we are confident na papalapit tayo doon sa kung saan yung exact location nung mga hinahanap po natin,” pahayag ni Philippine National Police spokesperson PCol. Jean Fajardo.
Ang 74-anyos na self-proclaimed “Appointed Son of God” ay nahaharap sa reklamong paglabag sa ilalim ng Section 5(b) of Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act at Section 10(a) sa Quezon City court.
Nahaharap din ito sa non-bailable Qualified Human Trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) ng Republic Act No. 9208, na inamyendahan sa Pasig court. RNT/JGC