PAMPANGA- BLANGKO pa sa ngayon ang mga awtoridad sa motibong pamamaril-patay sa isang konsehal habang sugatan ang kasama nitong barangay chairman, iniulat kahapon sa bayan ng Arayat.
Binawian ng buhay habang ginagamot sa ospital ang biktimang si Arayat Councilor Federico Hipolito, habang sugatan si Batasan Barangay chairman Lito Trinidad.
Ayon kay Police Colonel Jay Dimaandal, Director Pampanga Police Provincial Office (PPO), makikita sa CCTV noong umaga ng Martes sa barangay Telapayong , bumaba ng sasakyan ang mga biktima at patawid sa barangay para sa ginagawa nilang medical mission.
Nakuhanan naman ang mga suspek na sakay ng motorsiklo at tumawid din sa kabilang kalsada saka sinalubong ang mga biktima at pinagbabaril si Hipolito na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan habang tinamaan naman ng ligaw na bala si Trinidad.
Matapos ang pamamaril mabilis na sumibad ang mga suspek patakas .
Dinala naman sa ospital ang mga biktima subalit nalagutan din ng hininga si Hipolito habang nilalapatan ng lunas.
Inaalam na ng mga awtoridad ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek para sa agaran pagdakip./Mary Anne Sapico