
DAPAT makialam ang mga mamamayang Pinoy sa mga desisyon ng ating pamahalaan sa nagaganap sa Taiwan.
‘Yun bang === konsultahin dapat ng pamahalaan ang mga mamamayan sa anomang mahalagang hakbang nito sa posibleng giyera sa pagitan ng Taiwan at China at dito tiyak na may masasabi ang mga mamamayan.
At hindi basta solohin ng gobyerno ang lahat ng desisyon.
Dahil hindi lang naman ‘yung nasa 150,000-200,000 overseas Filipino worker sa Taiwan ang magiging problema kundi higit na maraming mamamayan.
PROBLEMANG OFW
Kung makialam man ang Pilipinas sa giyerang China at Taiwan, isa sa mga pangunahing pagtuunan ng pansin nito ang pagliligtas sa mga OFW sa pamamagitan ng paglilikas.
Magiging imposible ang paglilikas kung palilibutan ng China ang Taiwan ng mga barko at walang daraanan ang mga barko ng Pinas sa paglilikas kung kakampi ang Pinas sa Taiwan at lalaban naman sa China.
Tiyak namang walang makalalapag na eroplanong sibilyan sa nasa 23 airport na pangsibilyan at pangmilitar ng Taiwan para pangsundo dahil maaaring masira ang mga ito sa mga bomba at missile.
Alangan namang paglanguyin na lang ang mga kababayan nating OFW sa dagat para pumunta sa mga isla natin sa Babuyan Islands o Camiguin o kaya sa Ilocos Norte at tabing-dagat mula Ilocos Norte hanggang Cagayan.
Eh ang distansya ng Taiwan sa Babuyan, Camiguin, Ilocos Norte at baybaying dagat ng Cagayan ay kasinglayo ng Manila at Aparri, Cagayan na nasa 500-600 kilometro.
PAANO ANG IBA?
Sa ngayon, lumalabas na kung magkagiyera ang Taiwan at China, maaari tayong masangkot kaagad.
Ito’y dahil sasaklolo umano ang mga Amerikano sa Taiwan.
Agad na gagamitin ng mga Amerikano bilang lunsaran ng kanilang pagtatanggol sa Taiwan ang mga itinayong Enhance Defense Cooperation Agreement sites o kampo militar na nilagyan na at nilalagyan pa nila ng mga missile at iba pang armas.
Itanggi man o hindi ng mga awtoridad natin, malaki ang posibilidad na masasangkot kaagad ang Pinas sa giyerang iyan.
At kung masangkot tayo, wala tayong maging kaibhan sa nagaganap sa giyerang Russia at Ukraine na walang sinasanto ang isa’t isa na lugar at tao sa pagpapalipad nila ng mga bomba, missile at drone at iba pang mga armas.
Magigit daang libo na ang namamatay roon at daan-daang libo na ang nasusugatan, nabubulag at napuputulan ng mga kamay at paa.
Nakakalat ang EDCA sa Luzon, Visayas at Mindanao at apat ang direktang nakaharap at malapit sa Taiwan gaya ng nasa Balabac Island (Palawan), Camp Melchor Dela Cruz (Gamu, Isabela), Lal-lo Airport (Lal-lo, Cagayan) at Naval Base Camilo Osias (Santa Ana, Cagayan).
‘Yung iba gaya ng Antonio Bautista Air Base ay nasa Puerto Princesa, Palawan, Basa Air Base (Pampanga), Benito Ebuen Air Base (Cebu), Fort Magsaysay (Nueva Ecija) at Lumbia Airport (Cagayan de Oro).
Maaaring durugin din ng China ang Metro Manila at hindi lang ang mga EDCA site.
Dito tatakas papuntang ‘Merika ang mga opisyal at paano ang mga mamamayan?
Dapat talagang konsultahin ng gobyerno ang mga mamamayan sa problemang Taiwan at China.