MANILA, Philippines- Tuluyan nang binawi ni Senador Risa Hontiveros ang panukalang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill sa ilalim ng Senate Bill No. 1979 dahil sa umiinit at lumalawak na pagtutol sa nilalaman nito.
Sa Kapihan sa Senado, sinabi ni Hontiveros sa kanyang opening statement na kahit binawi ang panukala dahil sa pagkakalat ng fake news, mananatili ang tunay na misyon ng Senado: Maampat ang pagtaas ng maagang pagbubuntis sa batang Pilipino.
“Ang teen pregnancy ay isa pa ring national emergency at kailangan pa rin natin sa Senado na magpasa ng batas na makakatulong sa mga Pilipino. Hindi pwedeng talikuran ng Senado ang kanyang tungkulin na tugunan ito. This is why it is important for us to find a common ground, so we can pass this urgent and important piece of legislation. So, this time, I hope the Senate gives this a fair chance,” paliwanag ni Hontiveros.
Aniya, wala siyang problema sa makatotohanan at sinserong pag-aalala ng iba’t ibang sektor at grupo.
“Inaral at pinakinggan natin ang mga agam-agam kaya mayroon na tayong substitute bill,” ayon kay Hontiveros.
Sa simula pa lang, giit ni Hontiveros, malinaw na ang inalmahan naman natin ay ang fake news, ang disinformation at ang lantarang pagsisinungaling.
“Nais ko din pong klaruhin na walang nakahain na quote “CSE Bill.” CSE or Comprehensive Sexuality Education is just one of the preventive measures to combat adolescent pregnancy, na isa lang sa mga probisyon sa Prevention of Adolescent Pregnancy Bill,” paliwanag ng senador.
Iginiit pa ng senadora na “tried and tested” ang maayos na implementasyon ng CSE bilang epektibong pamamaraan sa pagpapababa ng teen pregnancy. “And I — along with many advocates, civil society organizations, teachers and parents — uphold that what we are pushing for is an age- and development- appropriate and culturally sensitive response to this national and social emergency.”
“Sa substitute bill, tinanggal na po na ang CSE ay “guided by international standards” na nakasaad sa orihinal na bersyon — para hindi na mabaluktot ng iba ang ibig sabihin nito. Gusto natin na maging mas malinaw na ang anumang ituturo sa ating kabataan ay sang-ayon sa kultura at konteksto nating mga Pilipino,” wika ni Hontiveros.
Idinagdag ni Hontiveros na nilinaw ang CSE na para lamang sa adolescents o batang may edad 10 taong gulang pataas.
“This substitute bill also now includes a clear provision guaranteeing academic and religious freedom. This also includes provisions from the Senate President himself,” giit ng senador.
“I hope this allays valid and genuine fears. I hope this helps bring us senators together to finally pass a Prevention of Adolescent Pregnancy Bill our country so desperately needs,” pagtatapos niya. Ernie Reyes