
GULONG-GULO ang ekonomiya ng United States ngayon.
Mismong mga Amerikano ang nagsasabing hindi maganda ang kanilang kalagayang pang-ekonomiya kaya sila labis na kinakabahan.
Maaaring patungo umano sila sa resesyon.
‘Yun bang === mawalan na ng trabaho ang marami, liliit pa ang kita ng may kita.
Ito’y dahil sa pagtigil ng maraming negosyo o pagtitipid sa gastos ng mga ito lahat ng nakatira sa US.
Ang punto sa Pilipinas at mga Filipino sa US at kanilang mga pamilya rito sa bansa, gaano ba tayo kahanda na humarap sa usaping resesyon?
PINAKAMALAKING REMITTANCE
Naglalaro sa $13.71 bilyon o halos P800B ang nairekord na padala ng nasa 4-5 milyong Pinoy sa US noong 2023.
Nasa 42 porsyento ng lahat ng padala ng mga Pinoy ang galing sa US at sumunod lang dito ang galing sa Singapore na $2.36B at sa Saudi Arabia na $2.06B lang.
At dahil sa milyones ang Pinoy sa US, milyones din ang bilang ng mga umaasa sa kanila sa Pilipinas.
Hindi lang ‘yan.
Pumapasok din sa sistemang pananalapi ng pamahalaan ang American dollar at ito ang pangunahing gamit nito sa pakikipagkalakalan, kasama ang mga negosyanteng nasa Pinas.
Dolyar ang gamit sa pagbabayad ng utang ng Pinas sa labas ng bansa at pakikipagkalakalan sa mundo ng gobyerno at negosyante natin.
Paano ngayong bumabagsak ang ekonomiya ng US na tiyak na makasasama sa padala ng mga Pinoy na naroroon?
TARIPA AT DEPORTASYON NI TRUMP
Nagpapataw si Trump ng malaking taripa o buwis sa mga imported na kalakal hindi lang mula sa mga hindi nito kasundo kundi maging sa mga kaalyado nito.
Napakaraming mahahalagang inaangkat ng US mula sa Canada, Mexico at China na mga pangunahing partner ng US sa negosyo.
Minimum na 25 porsyento ang mga taripa kaya tumaas ang mga presyo ng mga elektrisidad, langis at bakal mula Canada, sasakyan, gamot at pagkain mula sa Mexico, at pagkain, tekonolohiya at sasakyan mula sa China bilang halimbawa.
Hindi lang apektado roon ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mga Bro.
Dahilan ang taripa ng pagsasara o pagkabangkrap ng mga negosyo at kawalan ng expansion o pagpapalawak ng mga ito sa loob at labas ng US.
Sa ganitong kalagayan, nagtitipid na mismo ang mga Kano maging sa pagtuturista at tiyak, mga Pinoy na rin.
Kung ihahalo mo rito ang pagsibak ng milyones na empleyado ng gobyernong federal para makatipid ito ng $1 trilyon, tiyak maraming Pinoy ang mahahagip dahil maraming Pinoy ang empleyado ng pamahalaan.
At kapag isama mo pa ang nasa 350,000 iligal na Pinoy na nasimulan nang dakpin at palayasin sa US, talagang masama ang remittance ng mga Pinoy patungo sa Pinas at maaapektuhan din ang dolyar na pondo mismo ng gobyerno.
Kaugnay nito, alam ba ninyo na hindi gaanong naaapektuhan ang pamahalaan sa krisis sa dolyar dahil sa padala ng mga Pinoy mula sa US?
MAGTIPID-TIPID
Ang gagawin, lalo na ang mga pamilyang umaasa sa padala mula US?
Dapat magtipid sa lahat ng gastusin at umiwas sa mga ipinagbabawal na gastusin gaya ng sa droga.
Kung inegosyo ang natatanggap, tiyaking kikita at hindi malulugi.