
NGAYONG tapos na ang eleksyon, pag-usapan naman natin ang matindi pero nakahihiyang katotohanan tungkol sa mga Pilipinong botante.
Ang pamimili ng boto, halimbawa, ay hindi na tulad ng dati na krimeng pinagbubulungan sa mga liblib na lalawigan, sa makikipot na eskinita sa siyudad, o sa saradong opisina ng mga angkan ng politiko at kanilang mga tauhan.
Isa na itong lantarang ritwal sa komunidad — kaswal, sistematiko, at nakababahalang pangkaraniwan na lang ngayon. Basta na lamang kumakatok sa mga pintuan sa Metro Manila, nababanggit sa parking lot ng simbahan pagkatapos ng misa, at pinagtsitsismisan ng mga nakatambay malapit sa panaderya, sa grocery, o sa palengke.
Garapalan na ito kaya naman kaswal lang na nababanggit ng mga bata sa mga pampublikong eskwelahan kung sino-sinong politiko ang nagbigay sa kanilang mga magulang ng ayuda. Lumalaki ang susunod na henerasyon nang mulat na, hindi sa mga obligasyon sa lipunan, kundi sa mga transaksyong pulitikal.
Ang dating ikinahihiya kaya palihim na ginagawa ay lantaran na ngayong pinag-uusapan — isang galawang pang-komunidad na nababalot sa pagbibigay-katwiran at idinaraan sa biruan. Wala nang pagpapanggap ngayon ang mga botante na may pakialam sila sa mga plataporma, mga programa, o mga track record ng mga kandidato. Ang “real talk” ay umiikot na sa usapan ng presyuhan: magkano kada ulo, aling kampo ang agarang nagbayad, at sino ang mas galante sa pamamahagi ng pera at groceries.
Maging ang mga nagrereklamo at dumudulog sa Commission on Elections upang ibunyag ang ginagawa ng kanilang mga katunggali ay karaniwan nang kasing ‘guilty’ ng kanilang isinusumbong, masama ang loob hindi dahil sa krimen kundi dahil sa kompetisyon.
Kaya hindi na nakakagulat na napansin ng international observers na nagmomonitor sa ating eleksyon ang matagal na nating alam: na ang dating pinagbubulungan lang ay umaalingawngaw ngayon sa mga probinsiya, barangay, at group chats.
Iniulat ng International Observer Mission hindi lang ang garapalang vote buying sa iba’t ibang probinsya, kundi ang nakakagulat na lakas-loob na paggawa nito — na ang bayad ay umaabot sa P150 hanggang P5,000 kada botante. Hindi na kailangang maglihim pa; lumaki at tinubuan na siya ng mga binti para makapaglakad-lakad sa mga barangay halls at Facebook inboxes.
Kinailangan pang limitahan ng mga digital wallets ang kanilang transaksyon upang maiwasan ang pagdagsa ng online payouts bago ang araw ng halalan. Mula sa envelopes na inaabot sa dilim, hanggang sa cash transfers sa katanghaliang tapat, ang makinarya ng korapsiyon ay agarang nakapag-adapt sa teknolohiya.
Karamihan sa mga kasong ito ay kinasasangkutan ng mga political dynasty — pare-pareho ang kanilang apelyido at ang kanilang mga mukha, nakahambalang sa bawat poste ng kuryente, habang ang kanilang kapangyarihan ay inuugat na sa kanilang mga distrito. At kung hindi sila namamahagi ng mga ayuda, nire-‘red tag’ naman nila ang kanilang mga kritiko, tinatakot ang poll workers, at pinaiikot ang makinarya ng mga pagbabanta na para bang bahagi iyon ng kanilang playbook sa pangangampanya.
Nakatanggap ang Comelec ng mahigit 150 reklamo. Mas marami naman ang natuklasan ng IOM, kabilang ang dose-dosenang pagbabanta at pananakot sa mga botante at sa mga makakaliwang kandidato.
Hindi lamang ito tungkol sa palitan ng mga pera. Tungkol ito sa isang sistema na ginawang normal ang panunuhol at pulitikang may halong pambu-bully bilang mga pangunahing gawain sa pangangampanya — at mamamayan na, sa maraming pagkakataon, ay simpleng tinanggap na lang ito sa pagkikibit ng balikat, kung hindi man napapangiti.
Ang tunay na iskandalo ay hindi lang tungkol sa garapalang vote-buying — ito ay kung paanong naging bahagi na ito ng ating lipunan, sa paraang tinatawag ito bilang “tulong,” “ayuda,” at “balato.” Tinanggap natin ito nang maging pamilyar o nakasanayan na natin, kaya mas madali nang sikmurain.
Hanggang sa tayong mga botante mismo ang makabalikwas mula sa bulok na kulturang ito, nang may pagmamadali at pagkadismaya — hindi lang simpleng pamumuno — mananatili tayong kasabwat.
Maaaring magkakaiba-iba ang presyo ng mga boto, pero ang kapalit nito sa ating demokrasya ay laging mas matindi.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app.