MANILA, Philippines – Naibalik na ang kuryente sa Boracay at karatig-bayan nitong Lunes ng hapon, dalawang araw matapos ang outage na dulot ng pag-trip ng 69-kilovolt Nabas–Unidos link, ayon sa Department of Energy (DOE).
Naibalik ang suplay bandang 2:55 p.m. noong Setyembre 15 matapos maantala ang pagkukumpuni dahil sa high tide. “Power is restored, and our teams remain on site to stabilize the system and complete permanent repairs,” ayon kay DOE Secretary Sharon Garin.
Naputol ang suplay sa Unidos-Caticlan-Malay at Unidos-Boracay lines, na nagdulot ng isolation sa Boracay, Malay, at Busuanga mula sa grid. Natukoy ng NGCP at AKELCO na ang sanhi ay sira sa underground cables malapit sa Caticlan Airport.
Patuloy ang permanenteng pagkukumpuni, habang tinatapos ng NGCP ang Nabas-Caticlan-Boracay Transmission Line Project na target matapos sa 2025. Nagpasalamat si Garin sa mga residente, negosyante, at turista sa kanilang pasensya at kooperasyon. RNT