Ikinalugod ni Reelectionist Senator Francis 'TOL' Tolentino ang resulta ng survey na nagsasabing aprobado ng 78 percent ng mga Pilipino ang mga kandidatong nakikipaglaban sa karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS)
MANILA, Philippines – Mahalagang election issue para sa maraming Pilipino ang laban ng bansa para sa West Philippine Sea (WPS), ayon kay Reelectionist Senator Francis ‘TOL’ Tolentino.
Ito ang naging pahayag ni Tolentino kaugnay ng bagong survey na nagpapakita ng malaking suporta ng mga botante para sa mga kandidatong naninindigan sa karapatan ng Pilipinas sa WPS.
“Ipinapakita sa survey na nagkakaisa ang mga Pilipino na ang WPS ay isang major election issue, at ang mga kandidato ay susukatin ayon sa kanilang posisyon dito,” diin ni Tolentino.
Tinutukoy ni Tolentino ang kalalabas pa lang na SWS survey na suportado ng 78 porsyento ng mga Pilipino ang mga kandidatong nakikipaglaban sa karapatan ng bansa sa WPS – sa harap ng lumalalang agresyon Ng China.
“Dahil pabor sa pro-WPS candidates ang walo sa bawat sampung Pilipino, pinapahiwatig nito na core issue ang WPS, bukod sa ‘gut issues’ gaya ng presyo, kita, at trabaho,” dagdag nya.
Sa naturang din survey ay 77% ng respondents ang sumang-ayon na dapat lalong palakasin ng pamahalaan ang alyansa nito sa ibang bansa sa pamamagitan ng joint patrols, sails, at military exercises para depensahan ang exclusive economic zone ng Pilipinas.
“Ipinahihiwatig sa survey na ang pagpasa ng Philippine Maritime Zones Act (RA 12064) at ang multilateral stance ng administrasyon sa usapin ng pambansang seguridad, depensa, at foreign policy ay naaayon sa pangkalahatang pananaw ng ating mga kababayan,” paliwanag ng senador.
Si Tolentino ang punong may-akda ng Philippine Maritime Zones Act na nag-gigiit sa teritoryo at karapatang pang-ekonomiya ng bansa sa WPS. RNT